Hinawakan ko ang doorknob upang buksan ang pinto at makita kung sino ang nasa likod nito. Sumilip ng bahagya sa siwang.  Madilim sa alleway subalit naaaninag ko pa rin ang hugis ng tao na unti-unting lumapit sa akin.

      “Bulaga!”

      Napansin na rin siguro ako ng taong kanina pa nagtatago sa likod ng pinto, at inunahan na akong gulatin. Sa boses pa lang niya ay nakahinga na ako ng malalim. Hindi iyon boses ni Sir Ken, o ng gwardiya. Boses iyon ni Manlangit. Xander Manlangit, kapwa namin kadete na taga-kabilang kwarto.

      “Baliw ka! Ba’t nagtatago ka diyan? Pinakaba mo naman kami dito.”

      “Hindi ako makatulog eh. Tapos nakarinig ako ng ingay sa kwarto niyo, kaya nag-usisa ako.” paliwanag niya.

      “Sige pumasok ka na dito sa loob at baka mahuli tayo ng nag-roroving na guard,” alok ko sa kanya.

      “Teka lang, ano ba kase ang pinagagawa niyo eh TAPS time na?”

      “Andameng tanong? Pumasok ka na lang kaya at nang malaman mo.”

      Sinarado ko na ang pinto at ni-lock iyon. Sinalubong naman si Manlangit ng mainit na biruan at isang balot ng Chippy at umupo sa tabi ni Fuego. Sa pagkakataong ito, wala ng gugulo pa sa agos ng kwentuhan namin. Bumalik ako sa dati kong kinauupuan at nagsimula na ring magkwento si Delgado, Carvajal at Escalona.

Butas

      Fourth year high school ako noon. Isa sa mga pinagkakakitaan ng pamilya namin ay ang boarding house na pinaninirahan ng mahigit sa labing-apat na female boarders. Oo, mga babaeng boarders. Ideya iyon ni Mama dahil mas mabuti raw na mga babae ang maninirahan sa bahay, hindi magugulo at hindi makalat. Tumagal din ang boarding house na iyon, at totoo ang sinabi ni Mama. Hindi nga ganun kagulo ang naging itsura ng bahay.

      Bago ko pala makalimutan, yung boarding house eh parte rin ng bahay namin. May pitong kwarto kase lahat doon. Yung ibang hindi namin nagagamit, pinapaupahan sa mga kolehiyala dahil malapit lang naman kami sa isang college sa lugar namin, mga walking distance lang siguro. Sa totoo lang, inosente pa ako noon sa mga bagay-bagay na nagaganap sa boarding house. Hindi ako masyadong nakikipag-usap sa mga boarders dahil naaasiwa ako minsan. Pero may napansin akong pangyayari at masasabi kong nakaadikan ko na rin sa dakong huli.

      Isang umaga, naisipan kong pumunta sa likod-bahay. Nalimutan ko na kung ano ba sana ang gagawin ko noon. Sa paglalakad ko, nakita ko ang kapatid kong lalaki na hindi malayo ang edad sa akin na may sinisilip sa isang butas sa pader sa likod ng bahay namin. Tinanong ko siya kung ano ang ginagawa niya ngunit sa halip na sagutin ako, sumenyas siya na tumahimik ako at lumapit na lang sa kinaroroonan niya. Pagpunta ko sa kanya, bumulong siya sa akin na sumilip sa butas sa pader. Agad naman akong sumunod. At sa pagsilip ko, hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko nang makita kung ano ang nasa likod ng pader.

      Literal na nangatog ang tuhod ko noon. Pinipilit kong ayusin ang pagtayo ko ngunit hindi talaga. Ayaw sumunod ng mga tuhod ko. Natawa na lang sa akin ang kapatid ko at sinabing iiwanan na lang daw niya ako. Naiwan nga akong mag-isa doon, nanginginig pa rin ang tuhod, at nagpapakabusog sa larawang tumatambad sa harap mismo ng mga mata ko.

      Napapaisip kayo kung ano ang nakita ko dun ‘no? Sige, sasabihin ko ang sitwasyon. Yung butas kasing iyon sa pader ay tumatagos sa common CR ng boarders namin. Dinadaanan iyon ng tubo ng gripo na hanggang bewang ang taas. Kung nasa loob ka ng CR, hindi mo mapapansin ang butas. Kapag nasa labas ka naman, kitang-kita mo ang kabuuan ng taong naliligo, depende sa posisyon mo. Sa unang silip ko, bewang pababa ang nakita ko, kaya siguro nangatog talaga ang tuhod ko. Mautak din ang kapatid ko. Nilagyan niya ng takip na pwedeng tanggalin ang butas para hindi mapansin ng iba sa labas.

      Hindi lang isang beses na ginawa ko ang bagay na iyon. Sinundan pa ito ng dalawa, tatlo, at marami pang beses. Hindi na rin ako nakuntento sa butas na iyon. Naging mausisa ako at nadiskubre ko na may mga butas din pala sa kisame ng mga kwarto ng boarders namin, thanks to my brother. Natatawa ako kapag naaalala ko iyon dahil bawat butas, may pangalan: may butas para kay boarder Thelma, para kay Nadia, para kay ganito at kay ganyan. Dahil sa mga butas na iyon updated ako sa OOTD ni MJ, ni Carla at ni Kristine. Kung may pop quiz din siguro sa kulay ng mga undies nila, perfect ang score na makukuha ko.

      Nang dakong huli nga, hindi na ako nakuntento sa mga boarders namin. Dumayo na ako sa kapitbahay naming may mga boarding house din at humanap ng mga butas na maaaring silipan. Hindi ako na-disappoint at nakasilip nga ako sa mga butas sa kapitbahay. Kalahati nga ata ng populasyon ng mga boarders sa lugar namin ay nasilipan ko na.

      Akala ko noon hindi na talaga ako maaawat sa ginagawa ko. Nakakaramdam na rin ako ng guilt pero pinagpapatuloy ko pa rin eh. Pero dahil sa isa na namang pangyayari, nagising ako at narealize ko na kailangan ko na talagang tumigil. Isang umaga, habang isinasagawa ko ang aking modus operandi sa isa sa mga butas sa boarding house namin, nahuli ako ng isang boarder. Nakita niya na naninilip ako habang nagpapalit ang isa niyang kasama sa kwarto. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko noon. Nakita ko ang takot sa mga mata ng mga boarders na iyon nang malaman nilang ako ang naninilip, dali-dali akong pumunta sa kwarto ko, kinakabahan.

      Isang malaking kahihiyan para sa mga magulang ko ang ginagawa ko at katakot-takot na mga bagay ang maaaring mangyari sa akin kapag nalaman nila ang ginawa ko. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at sinimulan ko nang ilagay sa bag ang mga damit ko. Kapag natapos nang magsumbong ang tatlong boarders na iyon, lalayas  ako.

      Hinihintay ko na lang ang oras na itakwil ako o palayasin ng mga magulang ko. Lumipas ang bawat minuto na sa pakiramdam ko ay singhaba ng sandaang taon pero wala naman akong narinig na nagwala sa galit o tumatawag sa pangalan ko. Umalis na nga ang tatlong boarders, nagkita kami ni Mama, ngunit parang hindi naman siya galit sa akin. Nagtataka ako kung bakit at nalaman ko na lang na hindi sila nagsumbong tungkol sa pinagagawa ko. May matitirhan pala silang kamag-anak ang naging rason ng biglaang pag-alis nila sa bahay, sabi ni Mama. Ayun nga, nakahinga ako ng malalim at nag-thank you kay Lord. Nang matapos ang fourth year at lumipat ako sa partner school ng company natin sa college, naiwan na sa lugar namin ang mga alaala ng mga butas para kay boarder Thelma at  Nadia. Naging gintong alaala na rin ang naging OOTD ni MJ, ni Carla at ni Kristine. Pati na ang mga undies na bumusog noon sa aking paningin.

Masahe

      Naaalala ba ninyo yung isang linggong bakasyon natin noong Oktubre? Yung hindi maaaring umuwi sa probinsya lalo na kung sa Mindanao o Visayas kaya dapat may mag-aampon pansamanta na taga Luzon mula sa mga lugar na iyon? Pwes, sa panahong iyon nangyari ang ikukwento ko sa inyo. Sa Las Pinas ako tumutuloy at si Ervin (kabatch naming taga Engine Department) ang naampon ko. Wala naman kaming masyadong ginawa sa bahay ng tita ko, halos kain at tulog lang. Lumalabas din kami minsan, gagala sa mall tapos uuwi naman agad. Pero may isang pagkakataon na ginabi na kami ng uwi dahil may nadaanan kaming lugar na hindi naman talaga namin planong puntahan.

      Galing yata kami noon sa MOA. Pagkababa namin ng bus, napagpasyahan nalang namin na maglakad ng  pauwi sa bahay ng tita ko, kahit na labinlimang minuto pa iyon galing sa pinagbabaan namin at medyo pagod na rin. Weird no? Pagod na nga nakuha pang maglakad. Iniisip rin kasi namin na matagal pa ulit bago kami makalanghap ng hangin sa lungsod kapag bumalik na kami ulit sa institute. Kaya naglakad nga kami, inubo sa daan dahil sa usok, at mas nanakit pa ang mga paang kanina pa nangangalay.

      Sa paglalakad namin ng gabing iyon, naisip ni Ervin na magpamasahe daw kami. Brilliant idea, sabi ko. Hindi pa ako nakakapagpamasahe sa labas. Kung sakali man, ito ang unang pagkakataon. Tamang-tama din sa mga nanakit naming kalamnan. Kaya nagsimula kaming maghanap ng massage parlor.

      Napasuot kami noon sa kung saan-saang eskinita na di ko pa naman napupuntahan dati. Sa ilang minuto ng paghahanap, nakakita kami ng karatulang may aandap-andap na liwanag. Massage parlor. Sakto. Di na kami nag-atubili at agad na pumasok. Napansin namin na sa bukana, may mga lalaking malalaki ang katawan. Medyo madilim sa loob at hindi ako komportable sa atmosphere ng lugar, kahit na sounds of nature ang maririnig sa background at may mga nakasulat na mga Bible verses sa dingding.

       “Vin, mali ata ‘tong napuntahan natin.”

       “Panung mali, eh malinaw naman sa karatula diba? Tanungin natin si kuya.” nilapitan namin ang isang lalaking nakauniporme na nakaupo sa isang mesa sa reception area.

      “Kuya magpapamasahe po. Magkano po?”

      “Ok mga sir. Anong type ng lotion ang gusto nyo?”

      Type talaga ng lotion?, isip-isip ko. Wala akong alam na may mga type din pala yun. “Kahit ano po, kayo na po ang bahala.” naisagot ko.

      “300 pesos lang po.”

      Inabot namin ang bayad at pinaghintay niya kami sa waiting area nila. Tatawagin nalang daw kami para sa massage session. Unang tinawag si Ervin. Sinamahan siya ng isang lalaki papunta sa pangalawang palapag. Doon yata siya mamasahiin. Naiwan akong mag-isa sa waiting area. Maya-maya pa ay dumating na rin ang magmamasahe sa akin. Mas malaki pa sa akin si kuya. Pero mukhang hindi naman kami nagkakalayo ng edad.

      “Sir halina po kayo. Dito po tayo sa Room 5.”

      Sumunod ako sa kanya patungo sa kwartong sinasabi niya.

      “Sir paki-secure nalang po ng mga personal things ninyo. Tapos hubarin nyo nalang din po ang suot ninyo. Aalis lang po ako saglit at babalikan ko kayo.”

      Pagkaalis niya ay inayos ko ang mga gamit ko sa isang sulok na makikita ko. Hinubad ko rin ang suot ko ngunit tinira ang damit-panloob. Umupo ako sa isang maliit platform na maaring higaan sa gitna ng kwarto habang hinihintay siya. Hindi nagtagal ay dumating na rin siyang may dalang kung anu-anong basyo ng mga lotion ata.

      “Sir sabi ko po hubarin nyo ang suot niyo.” napansin nya na may suot pa akong briefs. “Huwag na po kayong mahiya, pareho naman po tayong lalaki dito.” napangisi pa siya.

      Adik. Sa isip-isip ko. Ano ‘to physical examination? Huhubarin ko ang briefs ko basta siguraduhin mo na you’re not gonna probe me with your fingers. Tumalikod ako sa kanya at hinubad ang huling saplot na bumabalot sa kabuuan ko. Napansin ko na may tuwalya sa tabi at kinuha iyon. Ok lang naman siguro na balutin ko ang exposed na balat ko mula bewang pababa. Hindi na niya ako sinita, pinadapa nya na lang ako sa platform, at sinimulan nya na akong masahiin.

      “Sir ano pong gusto nyong massage? Yung hard po o soft?”

      Aba. May options din pala ang pagmamasahe. May mga degree din ata ng force na inaaplay sa bawat level. Dyahe kung sobrang hard baka mapilay pa ako. “Soft lang kuya.” yun lang ang naisagot ko sa kanya.

       Sinimulan nyang lamasin ang balikat ko. Gumapang ang mga kamay niya sa likod ko pababa at tinanggal ang tuwalya nakatakip sa buttocks ko. The hell. Hinayaan ko na lang na gawin niya ang trabaho niya. Sino ba naman ako para kumontra. Ni wala nga akong ideya tungkol sa mga pinapahid na lotion na yan, sa tamang paraan ng pagmamasahe pa kaya.

       Ilang minuto din ang lumipas sa pagmamasahe niya sa akin. Ang inaasahan kong soft ay naging hard ata. O baka ‘yun ang standard soft nila. Mabigat ng kamay ni kuya, nagigil sa mga kalamnan ko. Parang nagmamasahe lang ng harina. Ilang ritwal pa ata ang ginawa niya bago niya sinabing tapos na daw ang massage session namin. Nang matapos na, may tinanong siya sa akin.

      “Sir gusto niyo po ng extra?”

      “Anong extra?” tanong din ang naisagot ko. Pagkatapos mong ituring na parang harina ang kalamnan ko mag-aalok ka pa ng extra? sa isip-isip ko.

       “Si sir naman, alam niyo na po ‘yun.”

      Alam ko na raw. Hala, ano kayang alam ko sa mga extra extrang yan. Saka wala naman akong nakitang mga extrang services o promo na nakasulat sa dingding. Kuya first time ko lang po magpamasahe sa ganitong lugar.

      “Hindi ko po alam kuya. Ano bang extra niyo dito?”

      “Yung ano po, mamasahiin ko po yung sa inyo.”

      “Ano?! Mamasahiin ang ano ko?!”. Nagulat ako sa sinabi niya at napalakas ata ang pagkakasabi ko nun.

      “Shhh.. Sir ‘wag po kayong maingay, pabulong lang po, baka mabisto tayo.”

      Great. As if may ginagawa tayong kung ano.

      “Hi-hindi na po kuya. Solb na ako sa massage ninyo. Salamat na lang po.”

      “Sige po sir. Pwede na po kayong magbihis.”

      Habang nagbibihis ako ay umalis na rin siya dala ang mga boteng dinala niya  kanina. Inayos ko ang mga gamit ko at pumunta sa waiting area upang hintayin si Ervin. Hindi lang pala ito simpleng massage parlor. There is something going on here. Maya-maya ay dumating na rin si Ervin. Tinanong ko siya kung may inalok sa kanyang extra ang masahista. Meron daw, sabi niya, pero tumanggi din siya tulad ko. Mabuti daw sana kung babae ang nagmamasahe, baka pumayag siya.

      Hindi na kami nagtagal pa sa massage parlor na iyon. Pero sa daan palabas, nakatayo ang mga nagmasahe sa amin. Parang hinihintay kami. Muli, wala na naman akong ideya sa nangyayari pero sinabihan ako ni Ervin na magbigay daw kami ng tip. Nang makalayo na kami, naiisip ko kung ano ang role ng mga mamang malalaki ang katawan sa entrance ng massage parlor: ang siguraduhin na magbibigay ng tip ang customers. Hindi rin nagtagal at nakabalik na kami sa bahay ng tita ko, handa ng magpahinga para sa byahe kinabukasan pabalik dito sa Cavite.

Mr. Assimo

      Ang kwento ko naman ay tungkol sa pagsakay ko noon sa bus, simula ni Escalona. Papunta ako noon sa Maynila galing Batangas. Doon ako umupo sa dulo dahil marami pa namang bakanteng mauupuan. Pinuwesto ko ang sarili ko sa pangdalawahang seat, mabuti na yung solong-solo ko ang parteng iyon ng bus sa byahe.

      Tumingin-tingin ako sa paligid. Sa kabilang seat, may nakita akong dalawang chicks. Dun sana ako umupo, sabi ko sa sarili ko. Nagulat na lang ako dahil di nagtagal nagtukaan ang dalawa. Deym. Umiwas nalang ako ng tingin at inantay ang pagpunta ng konduktor sa kinauupuan ko. Pagdating niya, binigay ko ang bayad at tinanong niya ako: “Isa lang po ba kayo?”

     Pakiramdam ko noon natigil ang oras. Tumigil sa pagtakbo ang bus, tumigil ang kilos ni Manong Konduktor at tumigil ang paglalampungan ng dalawang chicks sa kabilang upuan. Tumingin ako sa bakanteng upuan sa kanan ko, sa sariling kinauupuan at kay manong. Naka-Mr. Assimo mode na ako.

       “Bakanteng upuan ang nasa kanan ko at mag-isa lang ako dito. Binayaran kita ng hindi sasapat para sa dalawang tao… Ay hindi. Hindi ako nag-iisa. Dalawa nga kami dito. Pangalan ng kasama ko si Natty. Manong konduktor meet Natty. Natty meet Manong Konduktor. Actually guni-guni ko lang sana siya, kaso binigyan niyo ng buhay eh. Manong naman, siyempre mag-isa lang ako. Halata naman di ba?”

      “Kuya?”

      Napabalikwas ako. Nasa real world na pala ako.

      “Opo manong. Mag-isa lang ako.”

      Inabot niya sa akin ang sukli at ko sinilid iyon sa bag ko. Naisip ko na lang na minsan hindi napapansin ng iba ang obvious. Tapos obvious na nga, itatanong pa. Ayun, natulog ako sa bus at paggising ko, Maynila na.

*****

      “Anong kwento naman yun Escalona!” si Manlangit. “Ganun lang?”

      “Bakit may reklamo? At least may nakwento.” depensa ni Escalona. “Ok, sino na ang susunod?”

      “May apat pang natitira. Wag niyong masyadong madaliin ang tsitsirya natin dahil paubos na,” si dela Cruz.

      Napansin ko na paubos na nga ang nginangata namin. Lumalalim na rin ang gabi. Masaya ako ngayon dahil kahit huling gabi na namin sa Room 107, nagawa pa rin naming gawing memorable ang sandaling ito ng pagsasama namin sa Institusyon. Napangiti ako, habang hinahantay ang susunod na ikukwento ng ilan pa sa mga kasamahan namin.



Photo: Credits to the owner.