Diez y Seis (Part Two)

 

      Saglit akong tumigil at dahan-dahang tumayo mula sa pagkakaupo. Inangat ko siya mula sa kandungan ko, at muling ihiniga sa sofa habang pinoposisisyon ang sarili ko na nakaharap sa kanya. Muling naglapat ang mga lab namin, at naging mas malikot ako sa pagkakataong ito. Gumapang ang labi ko patungo sa kanyang tenga, bumaba sa kanyang leeg at napansin ko ang bahagya niyang pagkagulat; na marahil ay dahil sa kiliting dulot niyaon. Mas umilalim pa ako patungo sa kanyang dibdib at nakaramdam ako ng init mula sa sarili kong dibdib patungo sa ibabang bahagi ng aking katawan. Halos marinig ko na ang pagtibok ng puso naming dalawa na tila mas bumibilis sa bawat kilos na gagawin ko. Gumapang ang mga kamay ko patungo sa bewang niya. Froi Dencio. Just what the hell are you doing?

     Bigla akong natigilan. Nilamon na ako ng kaba na unti-unting naging takot. Takot na di ko maipaliwanag noong mga panahong iyon. Tumayo ako at nagkunwaring tumingin sa aking relo na nagbigay ng munting liwanag sa gitna ng dilim. Binasag ko ang katahimikan.

     “Trish, mukhang masyado na tayong late. Mabuti siguro kung ihahatid na kita pauwi sa inyo.”

     Dahil madilim at hindi ko maaninag ang mukha niya, hindi ko alam kung ano ang naging reaksiyon niya sa kinilos ko. Nakatanggap lang ako ng matipid na sagot mula sa kanya.

     “Ok.”

*****

     Wala nang tricycle sa mga oras na iyon, at dahil isa at kalahating kilometro lang naman ang layo nga bahay nila mula sa bahay nila Andrew, minabuti na lang naming maglakad pauwi. Tahimik kami habang naglalakad. Pareho kaming malalim ang iniisip. At marahil tulad ko, tumatakbo pa rin sa isipan niya ang nangyari kanina bago kami umuwi.

      Sinusubukan kong balikan ang nangyari kanina. Ang maririing mga halik. Ang bigla kong pagtigil. Iniisip ko kung bakit ako napatigil. Kung bakit ako kinabahan at natakot. Perhaps, subconsciously, I was actually afraid of the hazards of premarital sex, like babies. Or maybe, during that time, I was just so lame at getting laid.

     Anuman ang naging dahilan, aminado ako ngayon na may bahagi sa akin ang nanghihinayang. Nanghihinayang sa isang bagay na naganap sana kung hindi ako nadala ng takot. Sa kabilang dako, may bahagi pa rin ng pagmamalaki sa sarili, dahil sa edad na labing-anim ay nagawa kong hindi gawin ang isang bagay na marahil ay gagawin ng ilang kabataan sa ganoong edad, sa ganoong sitwasyon.

*****

      Sa ngayon, sa tuwing tatawag ako sa bahay, lagi ko nang inaasahan ang mga paalala ni Mama tungkol sa pag-aasawa. Madalas din niyang kinukwento ang tungkol sa mga kabatch o mga anak ni ganito o ni ganyan na maagang nakapag-asawa. Dahil siguro sa mga sitwasyong tulad noon kung kayat ganoon nalang ang pagpapaalala niya sa akin ng “anak, hintayin mo munang matapos ng pagaaral ang dalawa mong kapatid bago ka mag-asawa ha?” Na pabiro ko namang sinasagot ng “wala ngang gelpren ngayon Ma, tapos asawa agad?” Bagaman minsan ay napapatawa na lang ako sa mga paalala niya, alam kong para rin sa akin at sa pamilya namin ang mga iyon.

      Bawat taon, patuloy pa rin ang bilang ng maagang nagdadalang-tao at nagkakapag-asawa sa lugar namin. Marami ang hindi pa nakakapagtapos ng hayskul subalit may karga nang anak, at mayroon ding may mga dinadala na sa sinapupunan na mas mababa pa sa labing-anim na taong gulang. Tulad ng Sapang-Kawayan sa dokyumentaryo ni Kara David, alam kong isa itong suliranin na kinakaharap ng aming bayan. Isang suliranin na patuloy na umiiral at nagkukubli sa mukha ng matiwasay naming lugar. Maraming tinuturong dahilan. Kung kani-kanino ibinabaling ang sisi. Katulad ng anumang suliranin sa lipunan, hindi ito basta-basta masusolusyunan. Likas na sa mga kabataan ang pagiging mapusok at hindi ganoon kadali ang pagpigil dito. Bagaman sinisikap ng mga may awtoridad na gumawa ng mga hakbang, abot kamay pa rin ang solusyon. Naniniwala ako na hindi lang isang bahagi ng lipunan ang kailangang kumilos, bagkus, lahat ng bumubuo dito. At malaki ang bahaging gagampanan ng mismong mga kabataan.

     May mga bagay na nagbibigay sa atin ng kaligayahan, subalit maaaring panandalian lamang iyon. May mga bagay na maaari nating piliing gawin kung gugustuhin natin, subalit marapat lang na alam natin ang maaaring kahihinatnan. Sa sitwasyon namin ni Trish, naisip ko na mabuti na rin na walang nangyari sa pagitan naming dalawa. Naghiwalay din kami pagkatapos ng ilang buwan. Nakita ko siya nitong nakaraang taon, maganda ang pinapasukang trabaho, at pinapaaral na rin ang kapatid tulad ko. Minsan, naiisip ko na marahil, iba ang takbo ng buhay namin ngayon sakaling bumigay kami sa kapusukan noon. Masaya ako para sa kanya at sa narating niya. Sa ngayon hindi ako nagmamadali. May panahon para sa mga bagay-bagay. Mas masarap nga talaga siguro ang isang prutas kapag nahinog na.

The Perks of Being Onboard

 

     Five months and twenty-seven days na lang! Yun na lang at makakauwi na. Alam kong maaga pa para bilangin ko ang mga araw kung kelan ako makakabalik ng Pinas, pero dahil sa nakakabaliw na mga pagkakataon at sitwasyon ko sa barko ay di ako magkamayaw sa pagbilang ng naekisan ko nang mga petsa sa kalendaryo ko sa kabina. Halos tatlong buwan pa lang ako pero nakakaewan na. Nakakaewang mga kasama at klima ng panahon. Nakakaewang schedule at mga dapat at gustong gawin. Mabuti na lang at nabibigyan ko ang sarili ko ng oras para magmuni-muni at mag-emote kahit papaano.

*****

     IMG_20140719_183320

     Nung nakaraang araw kagagaling lang namin sa Ras Laffan, Qatar. Susmeng init at halos kapusin ako ng hininga sa tuwing lumalabas ako ng akomodasyon. Mabuti na lang at umiihip ang hangin sa pwerto. Pero kahit na umupo ka lang sa labas ay maliligo ka talaga sa pawis. Mas matindi naman ang init nung nakaraang araw sa Fujairah, UAE. naglalaro sa pagitan ng 35 degrees at 40 degrees Celsius ang temperatura. Hindi pa kasagsagan ng init at ang lahat ay nag-eexpect ng mas mainit pang panahon sa Agosto. The hell talaga ang init. Pinapanood ko nalang ang lagablab ng apoy na lumalabas sa vent mast ng vapor line sa pwerto. Bawal kumuha ng litrato sa labas ng barko, pero nakuhaan ko naman ng panakaw ang nagaapoy na haliging iyon.

*****

     Ilang araw nang mabagal ang internet sa barko. Ayokong manisi ng ibang tao pero ramdam ko na ang isa sa mga dahilan ng pagbagal nito ay ang pagda-download ng iba naming kasamahan ng kung anu-anong files. Hindi nila marealize na limited lang ang bandwidth namin. Kahit FB tuloy mahirap nang i-open.

*****

  

IMG_20140402_225714~2

     Marami akong dinalang libro sa barko, kahit alam kong may library na dun. Nakakatempt naman kasi dahil angmumura ng libro nung isang beses napadaan ako sa Booksale bago ako sumampa. Matatapos ko na ang Man Seeks God ni Eric Weiner pero kailangan ko pa ang konting pagpupursigi na basahin ang Spanish Lesson book na nabili ko. Gusto kong matuto ng Spanish dahil madalas kamng bumyaheng Spain at para di ako matameme kahit papaano sakaling lumabas kami upang magshoreleave.

******

      Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw kong i-add sa FB ang mga kasamahan ko sa barko ay dahil sa pagiging pakialamero nila sa posts ko. Madalas kasi akong magpost ng mga lines na pumapasok sa kukote ko. At automatic naman ang paglalagay nila ng mga nonsense na banat at pagpi-pyestahan ang wall ko.

******

     Nababadtrip na ako sa isa sa mga kasamahan ko. Konti na lang talaga at masasapak ko na talaga siya. Sa bawat araw ba naman na nagkakasalubong kami isa at iisang salita ang mahilig niyang ibanat. Alam kong nagta-try lang siyang maging cool pero masyado nang monotonous ang sinasabi niya. Nakakakulili na. At hindi pa nakakatawa. I just wonder kung nakukulili rin ba siya sa sinasabi niya.

******

    Etong isa ko namang kasama malakas ang tama. Lahat ng sasabihin detalyado pero mali naman. Kapag may iku-kwento ka may dagdag din siya, ieexplain pa. Nung nakaraang linggo may kakwentuhan ako tungkol sa Naruto at sumabat siya. Dumagdag ng mga detalye sa kwento na mali naman. Yung Game of Thrones daw tapos na niyang panoorin at napanood na niya ang pinakaending, kahit na Season 4 pa lang nagtatapos. Dami ding sinasabi kapag nasa trabaho kami. Konti na lang din at masasapak ko na ang taong ito.

******

 

DSC03404

     12-4 ang duty ko sa barko. As usual, tumatambad sa akin sa tuwing aakyat ako ng bridge ang tank dome. Maliban pa roon at sa horizon, wala na akong ibang nakikitang bago. Mga fishing boats at mga makakasalubong na barko. Sa gabi naman eh mga bituin sa kalangitan. Sana minsan maiba naman. Sana me makita ako kahit isang beses na sirena o syokoy man lang.

******

     Ang hirap palang magjoke sa English, lalo na kung iaattempt mo na itranslate ang mga Pinoy na jokes sa English. Sinubukan kong magjoke sa ka-gwardiya ko in English (since Romanian ang kasama ko) pero di sya natawa. Nagkaroon lang ng awkward silence sa pagitan naming dalawa. Mabuti na lang at isang beses me naisip ako. Dun ko lang siya napatawa nung di ako nagtry-hard magtranslate.

******

IMG_20140714_181657~2

      Ilang buwan pa ang gugulin namin sa barko kaya napagdesisyunan namin ng isa kong kabatch na nakasama ko ngayon, si Jan na mag-aral at magreview tungkol sa kanya-kanyang field. Marine Engineering siya at Marine Transportation naman ako. Gumawa kami ng schedule para mapag-aralan ang mga iyon, kasama ang review sa Mathematics at Physics (na madalas siya ang nagtuturo sa akin dahil olats ako sa ganun). Nag-agree naman siyang matuto ng tungkol sa field ko kaya madalas na rin siyang tumambay sa kwarto ko para magkaron kami ng discussion pagkatapos ng trabaho namin. Sa totoo lang tamad akong mag-aral pero mabuti na lang at nariyan siya na masigasig sa pagaaral. Hopefully, matatapos ang kontrata namin na di kinalawang ang utak namin at nagamit namn ng maayos ang panahon sa kabila ng nakakaewang sitwasyon namin sa barko.

Diez y Seis

 

     Katatapos ko lang panoorin ang isang dokyumentaryo ni Kara David sa I-Witness na pinamagatang “Ang mga Dalagita ng Sapang Kawayan.” May nag-play ng video file na iyon sa recreation room at nakalimutan yatang ihinto kaya minabuti ko na lamang na panoorin habang wala pang tao at di pa nababalot sa usok ng sigarilyo ang kwarto. Sa tantiya ko, matagal nang naipalabas ang episode na iyon sa telebisyon, at ngayon ko lang napanood dahil karaniwang may nagdadala ng kopya ng mga episodes ng TV programs mula sa Pilipinas sa barko. Gaya ng nakasaad sa pamagat, tungkol sa mga dalagita ng isang isla na kung tawagin ay Sapang Kawayan ang dokyu. Sa islang iyon, gaya ng isang normal na pook-rural, matiwasay na namumuhay ang mga tao. Makikita ang payak na set-up ng komunidad: may maliit na simbahan, munisipyo, plasa at paaralang pang-elementarya. Makikita mo ang mga batang naglalaro sa kalye, mga amang dala ang kanilang lambat mula sa kanilang pangingisda sa dagat at mga inang nag-aabang sa bawat tahanan. Ordinaryong-ordinaryo ang lahat, at hindi mo maiisip na sa gitna ng matiwasay nilang pamumuhay ay nagkukubli ang suliraning kinakaharap ng karamihan sa mga dalagitang naninirahan doon: ang maagang pagbubuntis.

     Nagkaroon ng pagkakataon si Kara na kapanayamin ang ilan sa mga dalagita sa lugar, na nasa pagitan ng 15 hanggang 17 taong gulang na ang iba ay nagdadalang-tao sa panahong iyon at ang iba naman ay mga ina na. Kinukwento ng mga nakapanayam ang sinapit nila, ang pagsasawalang-bahala, pati na ang kanilang pagsisisi sa huli. Habang pinapanood ko iyon, nakikinikinita ko ang hirap na dinanas ng mga dalagita sa kanilang panganganak at ang maaaring kahinatnan ng mga anak nila sa hinaharap. Iniisip ko kung saan ang mali at kung bakit kailangang kaharapin ng mga dalagitang ito sa murang edad ang responsiblidad na dapat sana ay naiatang sa kanila sa mas maayos nang yugto ng kanilang buhay.

     Teenage Pregnancy. Sa mga larawang pumapasok sa isipan ko sa tuwing nakakatagpo ko ang mga salitang iyan ay ‘di ko maiwasang manghilakbot. It actually sends chills down my spine. Hindi ko alam kung bakit, pero siguro, mas naiisip ko na kailangang magdalang-tao ang isang babae pagtuntong niya sa tamang edad, kung kailan kaya na ng kaniyang katawan ang maselang panahong iyon, kung kailan, kasama ang kaniyang kabiyak ay kaya na nila ang responsibilidad sa pagpapalaki ng kanilang magiging anak. Talamak na sa mga kabataan ang ganitong sitwasyon sa kasalukuyan. Sa lugar pa lamang namin, nakakaalarma na ang pagtaas ng bilang  ng mga nagdadalang-tao taon-taon bago pa man magtapos ng hayskul, at hindi ko rin maipagkakaila na dumating na rin ako sa sitwasyon kung kailan maaaring naging isa akong ama sa murang edad.

     Hayskul. Panahon kung kailan nagpupumiglas ang kapusukan ng mga kabataan. Gabi ng pagtatapos namin noon. Natapos na ang mga speech, iyakan, sumbatan, group hugs, at pagpapa-picture kasama ang buong batch, mga kaibigan at mga kapamilya. Sa madaling-sabi, nagsiuwian na ang karamihan para sa selebrasyon ng pagtatapos sa kanya-kanyang mga tahanan. Malayo pa ang uuwian ko noon kaya nagpaalam ako kay Mama na sa kaibigan ko nalang ako makikitulog dahil pupunta kami sa mga bahay ng mga kaklase kong nasa top ten. Inimbitahan nila kami para sumaglit sa mga salu-salong inihanda ng kani-kanilang pamilya para sa pagtatapos. Siyempre pa, tsibugan ang pupuntahan kung kaya’t di na ako nagdalawang-isip na sumama sa grupo ng mga kaklase kong magbabahay-bahay upang lantakan ang handaan ng mga nasa honor roll. Halos magkakalapit lang ang mga bahay ng mga kaklase ko sa bayan, at lumipas ang oras na halos di na kami makalakad dahil sa kabusugan.

     Lumalalim na ang gabi ngunit patuloy pa rin kami sa paglalakad sa bayan. Nabawasan na ang bilang ng mga nasa grupo naming magkakaklase; ang iba ay nagsiuwian na at ang iba naman ay nagpaalam na may pupuntahan pa. Anim na lang kaming natitira, tatlong lalaki at tatlong babae. Dalawang pares sa natirang grupo ang magkasintahan, at ang isang natitirang pares naman ay magka-MU diumano. Kabilang ako sa pares na may kasintahan. Tulad ng mga lovebirds na kasama lang ang kapares sa pag-ikot ng mundo, dinama namin ang paglalakad sa bayan na parang kami lang ang nasa daan ng gabing iyon. Kwentuhan, tawanan at mga cheesing banat. Halos langgamin na ang bawat pares sa ka-sweetan, at sigurado akong nararamdaman ng bawat isa ang mga salita sa katagang “love is in the air.”

     Nag-aya ang isa sa mga kaibigan kong lalaki na pumunta sa isa sa dalawang bahay nila. Wala raw tao doon at maaari kaming magpalipas ng gabi. Pwede rin daw kaming magjamming, o di kaya’y i-enjoy lang ang moment kasama ang mga kasintahan namin. Malapit lang naman ang bahay nilang iyon at di na kami nagdalawang-isip na pumunta at gawin kung anuman ang maaari naming gawin. Di kinalaunan, narating namin ang bahay nila at pumasok sa loob. Malaki ang bahay, na hanggang sa tatlong palapag. Nagkwentuhan kaming lahat sa sala, ngunit makalipas ang ilang minuto ay nagsialisan na din ang dalawang pares at kami na lang ng kasintahan ko ang natira.

     Nabalot ang sala ng nakakabinging katahimikan. Upang mawala ang awkward moment nauna akong nagsalita. Sinabihan ko ang kasintahan ko na humiga sa kandungan ko. Pagkatapos noon ay marahan kong sinalat ang kanyang mukha. Naglaro ang mga kamay ko sa kanyang noo, hinawi ko ang mahaba niyang buhok, saka gumapang ang mga daliri ko sa leeg niya.

     “Froilan ano ba! Kinikiliti mo naman ako ah!” hinambalos niya ang dibdib ko.

     “Oy sobra na yan ah. Naglalambing lang naman ako,” patawa kong sinabi sa kanya.

     “Naglalambing!” iyon lang ang nasabi niya at umiling. Maya-maya, biglang namatay ang ilaw.

     “What the hell. May nagpatay ng ilaw sa sala. Lokong Andrew yun ah, pinag-titripan yata tayo. Teka, isi-switch on ko muna.” Akma akong tatayo sa pagkakaupo pero pinigilan niya ako.

     “Wag na. Maliwanag naman yung buwan. Nasisinagan naman etong sala. Saka, alam mo ba kung saan banda ang switch?”

     “Oo nga no? Galing mo talaga. Sige. Dito nalang ako at kikilitiin ulit kita.” pagbabanta ko.

     Hindi na siya sumagot. Tanging malalim na buntong-hininga ang narinig ko galing sa kanya. Natahimik na naman kaming dalawa.

     Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote ko pero nagsimula ako yumuko. Dumampi ang labi ko sa labi niya. Malambot ang mga iyon. Bahagya kong inangat ang mga labi ko, saka muling inilapat sa mga labi niya.

     Ito ang pangalawang pagkakataon na nahalikan ko siya. Yung totoong halik. Smack lang yata yung una. Ganoon ako kainosente sa relasyon naming dalawa. Nininerbyos noon sa unang halik at ramdam ko pa rin ngayon  na mabilis pagtibok ng puso ko habang hinahagkan ko siya.

     Pareho kaming inosente. Parehong mabilis ang pagtibok ng puso at kinakabahan. Akala ko noong una na kapag hahalikan mo ang babae, ay gaganti din siya ng halik, tulad ng sa mga pelikula. Hindi ko iyon naranasan sa kanya nung first time, pero ngayon, nararamdaman ko ang paggalaw ng labi nya, kasabay ng paggalaw ng labi ko. Nagsimula akong maglaro at marahang kinagat ang labi nya. Pagkatapos noon, hindi ko inaasahang gamitin ang dila ko na nakipaglaro na din sa dila niya. Itutuloy.