Saglit akong tumigil at dahan-dahang tumayo mula sa pagkakaupo. Inangat ko siya mula sa kandungan ko, at muling ihiniga sa sofa habang pinoposisisyon ang sarili ko na nakaharap sa kanya. Muling naglapat ang mga lab namin, at naging mas malikot ako sa pagkakataong ito. Gumapang ang labi ko patungo sa kanyang tenga, bumaba sa kanyang leeg at napansin ko ang bahagya niyang pagkagulat; na marahil ay dahil sa kiliting dulot niyaon. Mas umilalim pa ako patungo sa kanyang dibdib at nakaramdam ako ng init mula sa sarili kong dibdib patungo sa ibabang bahagi ng aking katawan. Halos marinig ko na ang pagtibok ng puso naming dalawa na tila mas bumibilis sa bawat kilos na gagawin ko. Gumapang ang mga kamay ko patungo sa bewang niya. Froi Dencio. Just what the hell are you doing?

     Bigla akong natigilan. Nilamon na ako ng kaba na unti-unting naging takot. Takot na di ko maipaliwanag noong mga panahong iyon. Tumayo ako at nagkunwaring tumingin sa aking relo na nagbigay ng munting liwanag sa gitna ng dilim. Binasag ko ang katahimikan.

     “Trish, mukhang masyado na tayong late. Mabuti siguro kung ihahatid na kita pauwi sa inyo.”

     Dahil madilim at hindi ko maaninag ang mukha niya, hindi ko alam kung ano ang naging reaksiyon niya sa kinilos ko. Nakatanggap lang ako ng matipid na sagot mula sa kanya.

     “Ok.”

*****

     Wala nang tricycle sa mga oras na iyon, at dahil isa at kalahating kilometro lang naman ang layo nga bahay nila mula sa bahay nila Andrew, minabuti na lang naming maglakad pauwi. Tahimik kami habang naglalakad. Pareho kaming malalim ang iniisip. At marahil tulad ko, tumatakbo pa rin sa isipan niya ang nangyari kanina bago kami umuwi.

      Sinusubukan kong balikan ang nangyari kanina. Ang maririing mga halik. Ang bigla kong pagtigil. Iniisip ko kung bakit ako napatigil. Kung bakit ako kinabahan at natakot. Perhaps, subconsciously, I was actually afraid of the hazards of premarital sex, like babies. Or maybe, during that time, I was just so lame at getting laid.

     Anuman ang naging dahilan, aminado ako ngayon na may bahagi sa akin ang nanghihinayang. Nanghihinayang sa isang bagay na naganap sana kung hindi ako nadala ng takot. Sa kabilang dako, may bahagi pa rin ng pagmamalaki sa sarili, dahil sa edad na labing-anim ay nagawa kong hindi gawin ang isang bagay na marahil ay gagawin ng ilang kabataan sa ganoong edad, sa ganoong sitwasyon.

*****

      Sa ngayon, sa tuwing tatawag ako sa bahay, lagi ko nang inaasahan ang mga paalala ni Mama tungkol sa pag-aasawa. Madalas din niyang kinukwento ang tungkol sa mga kabatch o mga anak ni ganito o ni ganyan na maagang nakapag-asawa. Dahil siguro sa mga sitwasyong tulad noon kung kayat ganoon nalang ang pagpapaalala niya sa akin ng “anak, hintayin mo munang matapos ng pagaaral ang dalawa mong kapatid bago ka mag-asawa ha?” Na pabiro ko namang sinasagot ng “wala ngang gelpren ngayon Ma, tapos asawa agad?” Bagaman minsan ay napapatawa na lang ako sa mga paalala niya, alam kong para rin sa akin at sa pamilya namin ang mga iyon.

      Bawat taon, patuloy pa rin ang bilang ng maagang nagdadalang-tao at nagkakapag-asawa sa lugar namin. Marami ang hindi pa nakakapagtapos ng hayskul subalit may karga nang anak, at mayroon ding may mga dinadala na sa sinapupunan na mas mababa pa sa labing-anim na taong gulang. Tulad ng Sapang-Kawayan sa dokyumentaryo ni Kara David, alam kong isa itong suliranin na kinakaharap ng aming bayan. Isang suliranin na patuloy na umiiral at nagkukubli sa mukha ng matiwasay naming lugar. Maraming tinuturong dahilan. Kung kani-kanino ibinabaling ang sisi. Katulad ng anumang suliranin sa lipunan, hindi ito basta-basta masusolusyunan. Likas na sa mga kabataan ang pagiging mapusok at hindi ganoon kadali ang pagpigil dito. Bagaman sinisikap ng mga may awtoridad na gumawa ng mga hakbang, abot kamay pa rin ang solusyon. Naniniwala ako na hindi lang isang bahagi ng lipunan ang kailangang kumilos, bagkus, lahat ng bumubuo dito. At malaki ang bahaging gagampanan ng mismong mga kabataan.

     May mga bagay na nagbibigay sa atin ng kaligayahan, subalit maaaring panandalian lamang iyon. May mga bagay na maaari nating piliing gawin kung gugustuhin natin, subalit marapat lang na alam natin ang maaaring kahihinatnan. Sa sitwasyon namin ni Trish, naisip ko na mabuti na rin na walang nangyari sa pagitan naming dalawa. Naghiwalay din kami pagkatapos ng ilang buwan. Nakita ko siya nitong nakaraang taon, maganda ang pinapasukang trabaho, at pinapaaral na rin ang kapatid tulad ko. Minsan, naiisip ko na marahil, iba ang takbo ng buhay namin ngayon sakaling bumigay kami sa kapusukan noon. Masaya ako para sa kanya at sa narating niya. Sa ngayon hindi ako nagmamadali. May panahon para sa mga bagay-bagay. Mas masarap nga talaga siguro ang isang prutas kapag nahinog na.