Katatapos ko lang panoorin ang isang dokyumentaryo ni Kara David sa I-Witness na pinamagatang “Ang mga Dalagita ng Sapang Kawayan.” May nag-play ng video file na iyon sa recreation room at nakalimutan yatang ihinto kaya minabuti ko na lamang na panoorin habang wala pang tao at di pa nababalot sa usok ng sigarilyo ang kwarto. Sa tantiya ko, matagal nang naipalabas ang episode na iyon sa telebisyon, at ngayon ko lang napanood dahil karaniwang may nagdadala ng kopya ng mga episodes ng TV programs mula sa Pilipinas sa barko. Gaya ng nakasaad sa pamagat, tungkol sa mga dalagita ng isang isla na kung tawagin ay Sapang Kawayan ang dokyu. Sa islang iyon, gaya ng isang normal na pook-rural, matiwasay na namumuhay ang mga tao. Makikita ang payak na set-up ng komunidad: may maliit na simbahan, munisipyo, plasa at paaralang pang-elementarya. Makikita mo ang mga batang naglalaro sa kalye, mga amang dala ang kanilang lambat mula sa kanilang pangingisda sa dagat at mga inang nag-aabang sa bawat tahanan. Ordinaryong-ordinaryo ang lahat, at hindi mo maiisip na sa gitna ng matiwasay nilang pamumuhay ay nagkukubli ang suliraning kinakaharap ng karamihan sa mga dalagitang naninirahan doon: ang maagang pagbubuntis.
Nagkaroon ng pagkakataon si Kara na kapanayamin ang ilan sa mga dalagita sa lugar, na nasa pagitan ng 15 hanggang 17 taong gulang na ang iba ay nagdadalang-tao sa panahong iyon at ang iba naman ay mga ina na. Kinukwento ng mga nakapanayam ang sinapit nila, ang pagsasawalang-bahala, pati na ang kanilang pagsisisi sa huli. Habang pinapanood ko iyon, nakikinikinita ko ang hirap na dinanas ng mga dalagita sa kanilang panganganak at ang maaaring kahinatnan ng mga anak nila sa hinaharap. Iniisip ko kung saan ang mali at kung bakit kailangang kaharapin ng mga dalagitang ito sa murang edad ang responsiblidad na dapat sana ay naiatang sa kanila sa mas maayos nang yugto ng kanilang buhay.
Teenage Pregnancy. Sa mga larawang pumapasok sa isipan ko sa tuwing nakakatagpo ko ang mga salitang iyan ay ‘di ko maiwasang manghilakbot. It actually sends chills down my spine. Hindi ko alam kung bakit, pero siguro, mas naiisip ko na kailangang magdalang-tao ang isang babae pagtuntong niya sa tamang edad, kung kailan kaya na ng kaniyang katawan ang maselang panahong iyon, kung kailan, kasama ang kaniyang kabiyak ay kaya na nila ang responsibilidad sa pagpapalaki ng kanilang magiging anak. Talamak na sa mga kabataan ang ganitong sitwasyon sa kasalukuyan. Sa lugar pa lamang namin, nakakaalarma na ang pagtaas ng bilang ng mga nagdadalang-tao taon-taon bago pa man magtapos ng hayskul, at hindi ko rin maipagkakaila na dumating na rin ako sa sitwasyon kung kailan maaaring naging isa akong ama sa murang edad.
Hayskul. Panahon kung kailan nagpupumiglas ang kapusukan ng mga kabataan. Gabi ng pagtatapos namin noon. Natapos na ang mga speech, iyakan, sumbatan, group hugs, at pagpapa-picture kasama ang buong batch, mga kaibigan at mga kapamilya. Sa madaling-sabi, nagsiuwian na ang karamihan para sa selebrasyon ng pagtatapos sa kanya-kanyang mga tahanan. Malayo pa ang uuwian ko noon kaya nagpaalam ako kay Mama na sa kaibigan ko nalang ako makikitulog dahil pupunta kami sa mga bahay ng mga kaklase kong nasa top ten. Inimbitahan nila kami para sumaglit sa mga salu-salong inihanda ng kani-kanilang pamilya para sa pagtatapos. Siyempre pa, tsibugan ang pupuntahan kung kaya’t di na ako nagdalawang-isip na sumama sa grupo ng mga kaklase kong magbabahay-bahay upang lantakan ang handaan ng mga nasa honor roll. Halos magkakalapit lang ang mga bahay ng mga kaklase ko sa bayan, at lumipas ang oras na halos di na kami makalakad dahil sa kabusugan.
Lumalalim na ang gabi ngunit patuloy pa rin kami sa paglalakad sa bayan. Nabawasan na ang bilang ng mga nasa grupo naming magkakaklase; ang iba ay nagsiuwian na at ang iba naman ay nagpaalam na may pupuntahan pa. Anim na lang kaming natitira, tatlong lalaki at tatlong babae. Dalawang pares sa natirang grupo ang magkasintahan, at ang isang natitirang pares naman ay magka-MU diumano. Kabilang ako sa pares na may kasintahan. Tulad ng mga lovebirds na kasama lang ang kapares sa pag-ikot ng mundo, dinama namin ang paglalakad sa bayan na parang kami lang ang nasa daan ng gabing iyon. Kwentuhan, tawanan at mga cheesing banat. Halos langgamin na ang bawat pares sa ka-sweetan, at sigurado akong nararamdaman ng bawat isa ang mga salita sa katagang “love is in the air.”
Nag-aya ang isa sa mga kaibigan kong lalaki na pumunta sa isa sa dalawang bahay nila. Wala raw tao doon at maaari kaming magpalipas ng gabi. Pwede rin daw kaming magjamming, o di kaya’y i-enjoy lang ang moment kasama ang mga kasintahan namin. Malapit lang naman ang bahay nilang iyon at di na kami nagdalawang-isip na pumunta at gawin kung anuman ang maaari naming gawin. Di kinalaunan, narating namin ang bahay nila at pumasok sa loob. Malaki ang bahay, na hanggang sa tatlong palapag. Nagkwentuhan kaming lahat sa sala, ngunit makalipas ang ilang minuto ay nagsialisan na din ang dalawang pares at kami na lang ng kasintahan ko ang natira.
Nabalot ang sala ng nakakabinging katahimikan. Upang mawala ang awkward moment nauna akong nagsalita. Sinabihan ko ang kasintahan ko na humiga sa kandungan ko. Pagkatapos noon ay marahan kong sinalat ang kanyang mukha. Naglaro ang mga kamay ko sa kanyang noo, hinawi ko ang mahaba niyang buhok, saka gumapang ang mga daliri ko sa leeg niya.
“Froilan ano ba! Kinikiliti mo naman ako ah!” hinambalos niya ang dibdib ko.
“Oy sobra na yan ah. Naglalambing lang naman ako,” patawa kong sinabi sa kanya.
“Naglalambing!” iyon lang ang nasabi niya at umiling. Maya-maya, biglang namatay ang ilaw.
“What the hell. May nagpatay ng ilaw sa sala. Lokong Andrew yun ah, pinag-titripan yata tayo. Teka, isi-switch on ko muna.” Akma akong tatayo sa pagkakaupo pero pinigilan niya ako.
“Wag na. Maliwanag naman yung buwan. Nasisinagan naman etong sala. Saka, alam mo ba kung saan banda ang switch?”
“Oo nga no? Galing mo talaga. Sige. Dito nalang ako at kikilitiin ulit kita.” pagbabanta ko.
Hindi na siya sumagot. Tanging malalim na buntong-hininga ang narinig ko galing sa kanya. Natahimik na naman kaming dalawa.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote ko pero nagsimula ako yumuko. Dumampi ang labi ko sa labi niya. Malambot ang mga iyon. Bahagya kong inangat ang mga labi ko, saka muling inilapat sa mga labi niya.
Ito ang pangalawang pagkakataon na nahalikan ko siya. Yung totoong halik. Smack lang yata yung una. Ganoon ako kainosente sa relasyon naming dalawa. Nininerbyos noon sa unang halik at ramdam ko pa rin ngayon na mabilis pagtibok ng puso ko habang hinahagkan ko siya.
Pareho kaming inosente. Parehong mabilis ang pagtibok ng puso at kinakabahan. Akala ko noong una na kapag hahalikan mo ang babae, ay gaganti din siya ng halik, tulad ng sa mga pelikula. Hindi ko iyon naranasan sa kanya nung first time, pero ngayon, nararamdaman ko ang paggalaw ng labi nya, kasabay ng paggalaw ng labi ko. Nagsimula akong maglaro at marahang kinagat ang labi nya. Pagkatapos noon, hindi ko inaasahang gamitin ang dila ko na nakipaglaro na din sa dila niya. Itutuloy.
May connection ba yung documentary sa story mo? Don't tell me nabuntis mo siya?! OMG... Batang ama ka na, Froi?
ReplyDeleteuhm, yung sa pagbubuntis, hindi siguro, pero sa pagiging mapusok oo?hehe. Isasalaysay ko sa susunod na part ng story. :)
DeleteBitin! Bakit bitin? Haha...
ReplyDeleteMay karugtong yan Yccos, di ko pa natatapos.hehe.
Delete