Ganitong-ganito rin ang panahon noon. Mainit at nakakapaso. Malinaw pa sa alaala ko ang huni ng mga duli-duling nakadapo sa puno ng dapdap malapit sa amin. Akala ko sumisigaw sila dahil tulad namin, naiirita rin sila sa init. Ilang taon pa ang lumipas bago ko nalaman na humuhuni pala sila upang makahanap ng possible mate. Parang simpleng love story. Kumanta si lalaki ng pag-ibig niya kay babae, na-in love si babae. And they live happily ever after. Napaisip tuloy ako, kung boses lang ba ang batayan ng pag-ibig, mamahalin mo ba ako[crush] at magiging tayo? (Naks!)

Madalas din kaming manatili noon sa bahay ng lolo ko sa kabundukan, mga dalawa hanggang tatlong oras na lakaran mula sa bahay namin sa paanan ng bundok. Minsan, buong tag-init kaming nakatira doon at luluwas lang kapag malapit na ang pasukan. Tuwang-tuwa na kami noon sa pamumulot ng mga nahulog na niyog at pili nuts na ibinebenta  namin upang makaipon ng perang makakadagdag sa pambili ng mga gamit pangeskwela. Maliban sa pamumulot, nakagawian din naming lantakan ang mga  bayabas at kakaw na hitik sa bunga sa daan pauwi sa bahay ni lolo. Umuuwi kaming mahapdi ang dila noon sa kakasipsip ng buto ng kakaw.



Isa rin ako sa mga na-left behind noon. hehe
Siguro isa sa mga hindi ko makakalimutan noon sa kasagsagan ng tag-init ay ang tuli vibe in the air. Hindi na magkamayaw ang mga kabataang lalaki sa amin sa umpisa ng summer dahil kabikabilaan ang mga nagtutuli sa lugar namin. Mas marami nga lang ang mas pinipiling magpatuli sa bayan, kung saan nagsasagawa ng libreng pagtutuli sa municipal health center.

Hindi ako  nakasabay sa mga kaklase ko na magpatuli sa bayan, dahil hindi pa daw ako pwede sabi ni Papa. Nang sumunod na taon, kainitan din ng panahon at kahit nasa bundok kami noon, nagpaalam akong lumuwas ng mag-isa, dahil magsasagawa ng pagtutuli ang isang kabarangay namin para sa mga kabataan doon. 

Maaga akong nakaluwas ng araw na iyon. Naligo ako at pumunta sa bahay nila Tata Taldek, ang magtutuli sa amin. Naroon din ang iba kong kalaro dati, handa na sa pagtutuling isasagawa. Lahat kami ay pinakuha ng dahon ng bayabas at nagsimulang mag-umpukan sa palibot ng lansadera  habang nagngunguya ng dahon at hinihintay si Tata Taldek sa paghahanda niya ng labahang gagamitin.

Butcher's knife ginamit sa amin noon. De, joke lang.
Natatawa na lang ako sa tuwing naaalala ko ang pangyayaring iyon. May isa akong kalarong nakalunok ng nginunguya niyang dahon ng bayabas. May isang nahimatay, mayroong umiyak at may sumigaw ng wagas. Halos nandilim din ang paningin ko noon pagkatapos na mahiwaan ako sa balat dahil sa pagdaloy ng dugo. Mabuti na lamang at hindi ako tuluyang nahimatay. Matapos ang pagtutuli, binigyan namin si Tata Taldek ng isang kaha ng sigarilyo, bilang ganti sa pagtulong niya sa amin na maging handa sa magiging mga hamon ng buhay sa hinaharap. (naks!)

Hindi pa tapos ang paghihirap ko dahil kailangan ko pang pumunta sa kabundukan, sa bahay nila Lolo. Walang mag aasikaso sa akin sa bahay namin dito sa paanan ng bundok kaya sinikap ko na umakyat kahit naghihilab pa ang sugat. Dalawang daanan ang pagpipiliian ko: ang daanang puro ilog o ang daang puro paakyat ngunit walang ilog. Pinili ko ang pangalawa, dahil hindi ko kayang tumalon-talon sa batuhan sa ilog suot ang palda ng kapatid ko. That, will be soooo disturbing.

Pagkatapos ng tatlong oras na pag-akyat at pagtigil-tigil upang magpahinga, nakarating din ako sa bahay, tired and circumcised. Nagulat na lang sila sa bahay dahil ang tagal ko daw makauwi. Gusto ko na lang silang sabihan ng: "Kayo kaya ang magpatuli, tapos mag-mountain hiking. Tingnan natin kung ganun kadali." Sa dakong huli, tinulungan  naman ako ng mga kapatid ko na kumuha at maglaga ng dahon ng bayabas panlinis ng sugat.

Mainit ang panahon noon tulad ng nararanasan ko ngayon. Malakas lang maka-throwback ang hanging umiihip kahit nasa dagat. Kahit na hindi ko na makuhang makinig sa huni ng duli-duli sa may punong dapdap o sumapa ng buto ng kakaw o makakita ng mga batang gustong-gusto nang magpatuli, mananatili sa alaala ko ang mga pangyayari noon. Sa panahong nakakapaso at tirik ang araw sa tag-init.


Comic strips above by Manix Abrera, from Inquirer Comics Facebook Page.