Ganitong-ganito rin ang panahon noon. Mainit at nakakapaso. Malinaw pa sa alaala ko ang huni ng mga duli-duling nakadapo sa puno ng dapdap malapit sa amin. Akala ko sumisigaw sila dahil tulad namin, naiirita rin sila sa init. Ilang taon pa ang lumipas bago ko nalaman na humuhuni pala sila upang makahanap ng possible mate. Parang simpleng love story. Kumanta si lalaki ng pag-ibig niya kay babae, na-in love si babae. And they live happily ever after. Napaisip tuloy ako, kung boses lang ba ang batayan ng pag-ibig, mamahalin mo ba ako[crush] at magiging tayo? (Naks!)
Madalas din kaming manatili noon sa bahay ng lolo ko sa kabundukan, mga dalawa hanggang tatlong oras na lakaran mula sa bahay namin sa paanan ng bundok. Minsan, buong tag-init kaming nakatira doon at luluwas lang kapag malapit na ang pasukan. Tuwang-tuwa na kami noon sa pamumulot ng mga nahulog na niyog at pili nuts na ibinebenta namin upang makaipon ng perang makakadagdag sa pambili ng mga gamit pangeskwela. Maliban sa pamumulot, nakagawian din naming lantakan ang mga bayabas at kakaw na hitik sa bunga sa daan pauwi sa bahay ni lolo. Umuuwi kaming mahapdi ang dila noon sa kakasipsip ng buto ng kakaw.