Tapos na ang taong 2014. Sa Pilipinas ngayon, halos lahat siguro ng tao ay masayang sinalubong ang bagong taon. Samantalang ako, eto, ilang libong milya ang layo sa pamilya, nakaduty at nag-aabang ng mga fireworks( sakaling meron) sa pinakamalapit na lungsod sa amin, ang Dubai. Sa kasamaang-palad, lumipas na ang alas-dose ng gabi pero wala akong nakitang kahit ano, maliban sa ilang barkong naka-angkorahe sa paligid namin. Tahimik ang paligid sa labas, malayong-malayo sa ingay na likha ng mga kasamahan ko na sumalubong sa bagong taon. At eto na naman ako, nag-eemote sa labas, pagkatapos makainom ng ilang bote ng beer.

      Sa halip na maging malungkot at i-isolate ang sarili, mas minabuti ko na lang din na bumalik sa loob, magvideoke at uminom pa ng ilang bote ng beer. Hindi naman magandang simulan ang taon na nag-dadrama, baka mamaya, buong taon ding ng  pagdadrama ang mangyari sa akin.

      Ngayon iniisip ko kung papaano ko sisimulan ang taon. Magpaputok kaya? No. Hindi pwede, walang paputok. Saka bawal. Mangolekta ng labintatlong prutas? Hindi rin pwede, apat na  uri lang ng prutas ang meron kami ngayon sa barko: saging, melon, mansanas at ubas. Maghagis ng mga barya sa loob ng kwarto ko pagpatak ng alas-dose? Hindi rin pwede. Wala akong coins.

      Sa dami ng gusto kong gawin sa pagsalubong sa taong 2015, nauwi ang lahat sa pagharap ko sa laptop at paghahalungkat sa mga folder ng pictures ko sa mga pinagagagawa ko sa taong 2014. Kaya naisip ko na lang na i-review ang mga pangyayari sa loob ng isang taon gamit ang mga pictures na iyon.

 

Gala To Da Max. Hindi ko alam kung ano ang kinalaman ng mga nunal sa buhay at kapalaran ng tao pero natatawa talaga ako sa tuwing binabanggit ng mga kaibigan ko na kapag may nunal ka daw sa isang bahagi ng katawan mo, may kahulugan daw yun. Parang ako, kesyo me nunal daw ako sa paa kaya mahilig akong pumunta kung saan-saan. Nitong nakaraang taon, dahil nakabakasyon naman ako, sinimulan ko ang taon ng pagpunta sa mga lugar na hindi ko pa napupuntahan sa amin. Sinundan din iyon ng ilang biglaang excursion at roadtrip sa Luzon. Sana ngayong taon, makapunta naman ako sa Visayas o sa Mindanao.

DSC01894

IMG_20140130_060651

IMG_5499

paintball2_edited-1

IMG_20140108_175952

IMG_20140330_120509

IMG_20140404_180132~2Nasulit din ang bakasyon ko nitong nakaraang taon dahil sa mga lugar na napuntahan ko. Nagpagod sa Mt. Pulag, nakipag-paintball sa Pansol, at kumain ng wagas sa Villa Escudero.

Shore Leave. Sa halos siyam na buwan ng pananatili ko sa barko, isang beses lang ako nakalabas, at hindi ko pa na enjoy ng husto ang oportunidad na iyon. Ganunpaman, iba pa rin talaga ang makatapak ulit sa lupa. Namili lang ako ng ilang souvenir, napainom sa isang bar, at bumalik na uli sa barko kasama ang mga gintong alaala sa Barcelona.

IMG_20141104_011220~2Sa La Rambla. Ala-una na ng madaling-araw, nakuha pang pumosing ni Ka Dencio.

Mga Bagong Kaibigan. Hindi ko ini-expect na makakakilala ako ng mga tao maliban sa mga katrabaho ko. Naging daan ang blogosphere para makilala ko sila Yccos ng saturdaythoughts, Sepsep ng Alfabeto Della Mia Vita, Sir Rolf ng JOKENALISMO, at Lalah ng TELELALAHBELLS. Sana lang din at makita ko sila sa personal ngayong taon. At makilala ko pa ang iba pang interesanteng taong gumagala din sa blogosphere.

      Sa lugar ng naman ng trabaho, dalawa ang naging malapit kong kaibigan. Isang Romanian at isang Croatian. Pareho silang masigasig na nagtuturo sa akin tungkol sa mga teknikal na mga bagay sa pagbabarko. Maliban pa dun, si Sir Romanian ay nakaka-jam ko sa madaling araw kapag natapos na ang duty namin, samantalang si Sir Croatian naman ang nakakasama kong mag-gym sa tuwing sinisipag ako. Nakilala ko rin ang isang makulit na Chinese na si Wen, training officer sa barko namin.

IMG_20140704_115236~2

Pakiramdam ko, matatapos man ako ng pagbabarko, maraming lahi na ng taong sa mundo ang magiging kaibigan ko.

Dramarama sa Taong 2014. Wala naman masyadong pag-eemote ang naganap sa akin sa taong ito, maliban sa pagkabasted ko noong January, sa nangyari sa Barcelona noong Nobyembre at ang pagnigalang-pugad ng kapatid ko nitong Disyembre. Noong 25 medyo naghuramentado lang ako sa natanggap kong balita sa pag-alis ng kapatid ko sa bahay namin upang sumama sa love of her life. Wala na akong magagawa sa naging desisyon niya at sa landas na pinili niya. Iniisip ko pa kung ano ang mabuting gawin kapag nakauwi na ako sa amin. Dahil ngayon, hindi ko pa rin maiwasan na makaramdam ng bigat sa dibdib.

Yearend Party, Dubai Fishing at iba pa. Sa unang pagkakataon, naranasan ko kung paano ipinagdiriwang sa barko ang Pasko at Bagong Taon. Darn. Wala naman palang espesyal. Sabi ng mga kasamahan ko, dumedepende daw ang pagiging masaya ng selebrasyon sa enthusiasm ng kapitan. Sa kaso namn, medyo anti-social ang kapitan namin ngayon na hindi man lang sumilip sa recreation room nang magsimula kaming magkantahan at mag-inuman. Natapos din naman kahit papaano ang dalawang selebrasyon, ang Pasko at ang pagsalubong sa Bagong Taon na kainan, inuman at tulugan lang ang ginawa namin.

IMG_1154

IMG_1152Kagabi sagana pa sa lamesa. Kinaumagahan, wala nang natira.

      Kalahating buwan na rin pala kaming nakaangkorahe ng mga 30 kilometro mula sa Dubai. Kung kailan malapit na kaming umuwi, saka naman dumagsa ang mga trabahong dapat tapusin. Ganunpaman, nakuha pa rin naming sulitin ang panahon kapag wala na kaming trabaho. Ilan sa mga kasamahan ko ang nakahuli na ng malalaking lapu-lapu at barracuda. Nakahuli rin sila ng mga isda tulad ng snapper, matambaka, dorado at kanduli. Yung huling dalawang nabanggit ay madalas nilang itapon uli sa dagat. Ilang araw din kaming nakatikim ng fresh fish, na madalas sabawan ni second cook. Sa history naman ng pamimingwit ko dito, nakahuli naman ako kahit papaano ng tatlong isda, at hindi na iyon naulit pa.

IMG_1126

IMG_20141221_052517Masaya rin pala ang makahuli ng isda. Mas masaya siguro ang makahuli ng dalaga.

Welcome 2015. Marami pang pangyayari sa 2014 na siguro magiging kabilang na lang sa baul ng alaala ko. Sa ngayon hinaharap ko ang bagong taon na puno ng pag-asa, optimism at paniniwala na makakaya kong harapin ang anumang pagsubok na darating. Inaasahan ko rin na sa taong ito, makakatagpo ako ng mga bagong kaibigan, at kung papalarin, makatagpo ng significant someone. Sawa na rin ako sa aking guni-guning sinta.

      Sinimulan ko na ang taon sa pamamagitan ng paglinis ng kwarto ko at paggawa ng schedule para sa bakasyon sa pag-uwi ko. Marami akong gustong gawin. Marami akong gustong matutunan. Kahit na hindi ako naniniwala sa mga new year’s resolution na di naman natutupad, sisikapin ko pa rin na maging masaya at mabunga sa taong ito. Higit sa lahat, bagaman hindi naging ganun kasaya ang pagtatapos ng taong 2014 para sa akin, nagpapasalamat pa rin ako sa Maykapal sa mga biyayang natanggap ko mula sa Kanya.

      Wala man akong paputok, labintatlong prutas o coins, nasalubong ko naman ang bagong taon na may kumpiyansa sa sarili at mga aral mula sa nagdaang taon. Malungkot ang malayo sa pamilya lalo na sa ganitong mga panahon, pero ang pagsasaisip na ang lahat ng ginagawa ko dito ay para sa kanila at para sa hinaharap ko ang nagsisilbing inspirasyon upang pagbutihin ko pa ang aking ginagawa.

      Sa ngayon nakikinikinita ko ang taong 2015. Bagong lugar, mga bagong mukha, bagong taong makikilala. Hindi ko lang kailangang i-overthink ang lahat. Sa tingin ko, what will happen will happen. Kailangan lang bigyan ng kaukulang panahon ang mga bagay-bagay. All I need to do, is to live life.

Manigong Bagong Taon!