Virginity Blues

      “Noy, virgin ka pa ba?”

      Dyahe ang tanong na yan. Sa bawat kontrata ng pagsakay ko sa barko hindi maalis-alis ang tanong na iyan. Porke ba bata pa ako at ilang beses pa lang ako nakasampa kailangan na akong paulanan ng mga tanong na may kinalaman sa mga ganyan? Minsan nakakainis na lang ang paulit-ulit na pagtatanong nila kahit na sinasagot ko naman ang mga iyon. Napapatanong din tuloy ako kung ang anumang pangyayaring may kinalaman sa virginity (ko) ay may malaking epekto ba sa pangaraw-araw nilang buhay. O kailangan lang talaga nilang maging updated dahil isang giant leap for mankind iyon, sakaling hindi na nga ako virgin.

      Noon pa man inihanda ko na ang sarili ko sa mga ganung tanong. Sasagutin ko sila. Sasabihin ko kung ano ang totoo para wala nang mahabang usapan. Pero sa halip na tumigil lang sa sagot ko sa tanong nila, mas lalo pa akong inuusisa. Mas marami pang mga follow-up questions. Mas lalo pa silang naiintriga. Hindi ko rin minsan maiwasan na maalaska.

      Kung iisipin hindi naman malaking bagay iyon. Ang pagtatanong at pang-aalaska nila. Kaya ko namang harapin ang bawat salitang binibitawan nila. Ang nakakainis lang talaga ay ang paulit-ulit na pagbanggit nila tungkol doon. Nakakarindi. Nakakakulili sa tainga.

      Katulad ng isang beses na nakasama ko ang isang crewmate sa trabaho. Dahil siguro wala ng maisip na mapag-uusapan, binuksan na naman niya ang topic na may kinalaman sa tanong sa taas. Na sa pagkakaalala ko, napag-usapan naman nung nakaraang araw. Habang pinipilit ko na magpokus sa ginagawa ko, nakaramdam lang tuloy ako na kailangan kong sagutin ang tanong niya. At dahil mas matanda siya sa akin, sinisikap ko na magpakita ng respeto hangga’t maaari.

      Sa simula tinanong niya ako kung virgin pa daw ba ako. Sinagot ko naman ng matipid na “oo”. Hindi daw siya naniniwala, kaya inulit ko ang sagot ko. Kung nakahawak man lang ba ako ng ano, dagdag niya. Sinagot ko ng hindi pa talaga. Ang hina ko raw. Mahina saan? Sa isip-isip ko. Sunod niyang tanong ay kung may girlfriend daw ba ako. Sinabi kong wala. Huling girlfriend ko two years ago. May pagkapilosopo na ang huling tanong niya: kung lalaki daw ba talaga ako.

      Great. Just when I thought Neanderthals died 40,000 years ago, here I am talking to one. Anyare? Panong nakasurvive? Gusto ko sanang sabihin sa kanya na why not go back to your cave and shut yourself to promote World Peace?

      Siyempre naman, sagot ko. Dinaan ko na lang din sa tawa ang pagkainis. Iniisip ko na kailangan mo bang gumawa ng mga bagay-bagay, maging ‘normal’ sa mata ng iba para may mapatunayan ka? Sa sarili kong pananaw, hindi. Hindi ko kailangang gawin ang labag sa paniniwala ko o ipilit ang sarili ko sa pagkakaroon ng relasyon upang patunayan na ganap na seaman ako o lalaki ako. Ang lagi kong isinasaisip, may tamang panahon para sa mga bagay-bagay at mas kilala ko at hindi ng ibang tao ang sarili ko.

      Nakakalungkot lang isipin na hindi lang isa o dalawang kaso ng pagkakahon ang ginagawa ng ilan sa kanilang kapwa. Hindi lang ako ngunit mayroong iba pa ang minamata dahil sa mga pinipili nilang gawin sa buhay nila. Na kung wala ka pang karanasan sa seks (sa ganitong edad), olats ka. Na kung olats ka nga, hindi ka nila kikilalaning kabilang sa grupong binigyan na nila ng standard sa lipunan. Plus points pa nga daw kung lalaki ka at may experience o naka-experience ka na. The measure of masculinity daw. The hell. Kung sinuman ang nagpasimula ng ganitong kaisipan, congrats. You can now die a slow and gruesome death. De, joke lang.

      Tawagin na akong demure, old school, sissy, korni, cheesy o kung ano pa man sa sasabihin ko, pero hindi ba’t di hamak na mas exciting ang intimate moments when shared with someone you love, at alam mong siya na nga talaga ang makakasama mo habambuhay? Minsan natatawa ako sa sarili ko dahil sa pagkakaalam ko, madalas na mga babae lang ang may malaking pagpapahalaga sa mga love and intimacy things na yan, at nararamdaman ko na mahalaga rin sa akin ang ganung mga bagay. Siguro dahil lumaki ako sa pangaral at natutong panghawakan ang prinsipyo ko sa buhay, pati na ang pagsisikap na magkaroon ng mataas na standard of morality.

      Kung virgin pa ba kamo ako? Oo ang sinasagot ko. Mas mabuti nang magsabi ng totoo kesa takpan ang sarili ko may mapatunayan lang sa ibang tao. Sa lipunang tumitingin hindi sa kabuuan ngunit sa isang bahagi lang ng pagkatao, mahalagang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at paniniwalang hindi nagpapatinag sa sistemang gawa ng mga mapangmatang tao. Inaasahan ko pa rin na sa mga susunod pang kontrata, makukulili at maririndi ako. Sige lang. Immune naman na ako.

Pasencia atbp.

   

4800070101050

       Minsan nagigising na lang akong badtrip. Napapa-what da hell sa tuwing ididilat ko ang aking mga mata, naiinis with no apparent reason, basta, plain badtrip. Minsan naman naitatanong ko sa sarili, what the hell am I doing here? Why am I here? At susunod na ang feeling of emptiness, yung para bang may kulang sa buhay ko at nababadtrip ako dahil hindi ko alam kung ano. Epekto na rin siguro ng bagbaba ng morale ko dahil sa masyadong mahabang panahon ng pananatili sa lugar na limitado lang ang pwedeng galawan, sabayan pa ng mga kasamang kailangang pagtuunan ng napakahabang pasensya. Hindi rin nakakatulong ang makitang umuwi na ang ibang kasamahan mo dahil tapos na ang kontrata nila, mas nakakapagdulot lang ng pangungulila at pagiisip na mahabang panahon pa ang kailangan mong bunuin bago ka makauwi.

      Pasalamat na lang din ako ngayon dahil kahit papaano, nada-divert ang isip ko sa ibang mga bagay. Ang study routine namin ni Jan, ang pag-immerse ko sa wikang Espanyol thru Rosetta Stone, at ang pagsusulat ng kung anu-anong maisip tulad nito kapag wala ng duty o wala ng ibang magawa. Nakakastress na din kase ang makinig sa mga usapan ng kasamahan mo na tungkol kay ganito o kay ganyan at kay kung sino pang Poncio Pilato. Minsan gusto ko na silang sabihan ng, “What the hell is our business with those people? Guys, masyado na tayong makatao!”

*****

      Ilang linggo ko na ring nakakasama si Third Mate. Noong una masyadong tahimik sa bridge kung kaming dalawa lang ang nakaduty at walang ibang umaakyat. Ngayon puro kwentuhan na. Mahilig na rin siyang maging pisikal. Dati, he would bump his fist sa braso ko. Kagabi kinurot niya ang dibdib ko. Nice one. Eh kung kurutin din kaya kita? sa isip-isip ko. But no. Hindi pwede ang ganun. Masasabihan ko na lang siya ng, Sir, I am not a stress ball. I repeat, I am not a stress ball.

*****

      Kamakailan in-add ako ni ex sa FB *kinilig kunwari*. Great. After almost three years na brineak-up mo ako i-aadd mo ako ngayon? Are you giving me a hint na may pag-asa na muling maging tayo? Pumunta ako sa Timeline niya upang makita kung ano ang latest sa kanya. Darn. May boyfriend siya at senior ko pa.

      Okay. *click confirm*

      Hindi naman ako acrimonious.

*****

      Nahihiya na ako kay Jan dahil ilang araw nang wala kaming discussions dahil sa schedule ng duty ko. Hindi rin ako makapagtype ng mga modules dahil minsan tinatamad na rin ako. Nung nakaraang buwan kasi, dahil hindi naman kami talaga makakapagdiscuss ng mga subjects na pinagaaralan namin, mag-eexchange modules na lang kami. Yun nga lang, tambak na ang modules at exercises na binigay niya sa akin na di ko pa nababasa at nasasagutan at may mga babayarang modules pa ako sa kanya. Hay. Kailangan ko na talagang ayusin ang oras ko at labanan ang procrastination.

*****

      Ninety days na lang at bababa na kami ng barko. Pakiramdam ko one thousand years pa iyon. Humahaba ang panahon dahil sa mga kupal na opisyal at mga mahahangin naming kasama. Mabuti na lang may baon akong Pasencia, pero paubos na. Sana pala marami-rami ang binaon ko bago ako sumampa. Mga sampung sako siguro, pwede na.

Huling Gabi sa Room 107 Part 2


      Hinawakan ko ang doorknob upang buksan ang pinto at makita kung sino ang nasa likod nito. Sumilip ng bahagya sa siwang.  Madilim sa alleway subalit naaaninag ko pa rin ang hugis ng tao na unti-unting lumapit sa akin.

      “Bulaga!”

      Napansin na rin siguro ako ng taong kanina pa nagtatago sa likod ng pinto, at inunahan na akong gulatin. Sa boses pa lang niya ay nakahinga na ako ng malalim. Hindi iyon boses ni Sir Ken, o ng gwardiya. Boses iyon ni Manlangit. Xander Manlangit, kapwa namin kadete na taga-kabilang kwarto.

      “Baliw ka! Ba’t nagtatago ka diyan? Pinakaba mo naman kami dito.”

      “Hindi ako makatulog eh. Tapos nakarinig ako ng ingay sa kwarto niyo, kaya nag-usisa ako.” paliwanag niya.

      “Sige pumasok ka na dito sa loob at baka mahuli tayo ng nag-roroving na guard,” alok ko sa kanya.

      “Teka lang, ano ba kase ang pinagagawa niyo eh TAPS time na?”

      “Andameng tanong? Pumasok ka na lang kaya at nang malaman mo.”

      Sinarado ko na ang pinto at ni-lock iyon. Sinalubong naman si Manlangit ng mainit na biruan at isang balot ng Chippy at umupo sa tabi ni Fuego. Sa pagkakataong ito, wala ng gugulo pa sa agos ng kwentuhan namin. Bumalik ako sa dati kong kinauupuan at nagsimula na ring magkwento si Delgado, Carvajal at Escalona.

Butas

      Fourth year high school ako noon. Isa sa mga pinagkakakitaan ng pamilya namin ay ang boarding house na pinaninirahan ng mahigit sa labing-apat na female boarders. Oo, mga babaeng boarders. Ideya iyon ni Mama dahil mas mabuti raw na mga babae ang maninirahan sa bahay, hindi magugulo at hindi makalat. Tumagal din ang boarding house na iyon, at totoo ang sinabi ni Mama. Hindi nga ganun kagulo ang naging itsura ng bahay.

      Bago ko pala makalimutan, yung boarding house eh parte rin ng bahay namin. May pitong kwarto kase lahat doon. Yung ibang hindi namin nagagamit, pinapaupahan sa mga kolehiyala dahil malapit lang naman kami sa isang college sa lugar namin, mga walking distance lang siguro. Sa totoo lang, inosente pa ako noon sa mga bagay-bagay na nagaganap sa boarding house. Hindi ako masyadong nakikipag-usap sa mga boarders dahil naaasiwa ako minsan. Pero may napansin akong pangyayari at masasabi kong nakaadikan ko na rin sa dakong huli.