Alas-diyes na ng gabi ngunit gising pa rin kaming lahat na umuokupa sa Room 107. Tapos na ang rounds at mustering na laging ginagawa ng guard na nakaduty kasama ang OOW(officer of the watch) sa bawat kwarto ng mga kadete sa dormitoryo ng Institute. Tanging ang ugong na mula sa aircon sa kisame at mga hakbang ng mga paang papalayo ang naririnig naming pumupunit sa katahimikan ng gabi. Bagamat nababalot ng pusikit na kadiliman ang Room 107, alam ng bawat isa sa walo na nakahiga na sa kani-kanilang bunk beds na gising ang lahat sa loob ng kwarto, at naghihintay na tuluyang mawala ang mga tunog na galing sa yabag ng mga paa. Ilang saglit pa at unti-unting nabuhay ang paligid sa marahang kaluskos mula sa bawat higaan at hagikhik na tila kanina pa pinipigilan. Nagsiilawan ang mga cellphone na kinuha sa ilalim ng mga unan, may nagbukas ng isang balot ng Chippy at sumunod na ang malulutong na pagnguya at pigil pa ring tawanan. Wala nang makakapigil pa sa aming gagawin sa gabing ito. Sa huling gabi ng pananatili namin sa Institute pagkatapos ng sampung buwang pagkakapiit at paglayo sa amin sa outside world.

    “Mates, are you ready mates?” pabulong pa ang pagkakasabi ni Delgado habang patuloy na ngumunguya ng tsitsiryang kanina pa niya binuksan.

    “Mate, yes mate!” sabay-sabay naming sagot, habang bumababa sa kanya-kayang higaan. Gagawin na namin ang bagay na kahapon pa namin pinagplanuhan.

    “Okay. Itabi na sa gilid ang mga bunks at ilagay niyo na ang mga kutson sa gitna. Magsisimula na ang ritwal maya-maya, ha!ha!” bagamat may pagkain sa bibig ay nagawa pa ni Delgado na magsalita at tumawa.

    “Baliw! Anong ritwal ang pinagsasasabi mo diyan? Halika at tulungan mo kaming maglatag.” sita ni dela Cruz, habang kinukuha ang kutson sa kanyang bunk.

    “Kaya nyo na yan! Sasaglit lang ako sa locker room at kukunin ko ang mga epektos.” dahan-dahang lumabas si Delgado ng kwarto at agad na nawala sa kadiliman ng alleyway.

    “Si Delgado talaga oo! Patapos na nga, ayaw pang tumulong.” si dela Cruz.

    “Ayos lang yun ‘Dy. May ginawa naman diba? Ayun at kinuha yung makakain natin,”pagtanggol naman ni Fuego. Halos nailatag na ang lahat ng mga kutson sa sahig, pinagtabi-tabi at muli pang nilatagan ng comforter sa ibabaw. Sa pagkakaposisyon ng mga kutson, may labis pang lugar na mahihigaan para sa walong  tao.

******

   Tapos na ang academic year namin sa kolehiyo. Ito na ang huling gabi ng pananatili namin sa dormitoryong nababalot ng samu’t saring kwento ng bawat kadete simula nang itayo ang institusyong ito para sa mga nais mahasa sa pagmamarino. Dito sa Institute sa Cavite kami inilipat nang kami ay tumuntong sa ikatlong taon. Lahat ng mga kadete dito ay galing sa iba’t-ibang partner school ng kumpanya at napagkasunduang dito na rin kami magtatapos. Sa loob ng sampung buwan, nakasama ko ang mga taong maituturing ko na ring kapatid, kaaway, kakompetensya at kaibigan sa pananatili ko roon hanggang sa aking paglabas.

     Sa mahigit walumpung kadeteng nakasama ko, ang pitong ugok na kasama ko sa kwarto ko ang hindi ko malilimutan sa lahat. Ang mga mukha nila ang una kong nasisilayan sa bawat umagang gumigising kami sa madaling-araw, at sila pa rin ang nakikita ko bago ko ipikit ko ang aking mga mata sa pagtulog tuwing gabi. Sila ang kaagaw ko sa cubicle ng common bathroom namin sa tuwing mag-uunahan sa paliligo. Sila ang kaagaw ko sa kakarampot na lugar na maaaring sampayan sa loob ng kwarto. Sila kakwentuhan ko sa mga gabing di pa kaming lahat inaantok, Sila ang kaasaran at katawanan ko pagkatapos ng nakakapagod na maghapon sa silid-aralan. At sila ang nagbibigay buhay sa apat na sulok ng kwartong maituturing lang na pahingahan.

      Kahit na walo lang kami sa kwarto, mababalangkas ang aming pagkakaiba. Nagmula ang bawat isa sa iba’t-ibang dako ng Pinas. Isa siguro ito sa mga dahilan kung bakit umiiral sa amin ang sistemang kanya-kanya. Kanya-kanyang trip. Kanya-kanyang amoy ng paa. Kanya-kanyang tago ng pagkain sa locker. Kanya-kanyang review kapag parating na ang katakot-takot na mga exams. Kanya-kanyang kawirduhan. Ganun pa man, sa kabila ng sistemang iyon, naroon pa rin ang pagkakaisa. Nagkakaisa naman kami habang kumakain ng almusal, tanghalian at hapunan. Nagkakaisa sa pagsalo sa kasalanan sa tuwing may pinaparusahang kapwa namin kadete. At higit sa lahat, nagkakaisa sa pagtulog pagsapit ng alas diyes y medya ng gabi at paggising tuwing alas-kwatro ng madaling araw.

     Isa sa pitong nakasama ko sa kwarto si Ericson dela Cruz. Madalas siyang tawaging dela Cruz ng iba pa naming kabatch, pero sa loob ng kwarto, siya si pepedz. Galing siya sa Ilo-ilo. Mahilig sa musika, lalo na sa K-pop. Siya ang madalas na ka-duet ko kapag wala nang ibang tao sa klasrum at kami lang ang nakakarinig ng mga boses namin. Sa dalas ng pagkakataon na magkasama kami, isa siya sa itinuturing kong best buddy.

     Si Matt Escalona. Tubong Batangas. Iska ang tawag namin sa kanya.  Siya ang pinakaseryoso sa aming walo. Pokus sa pag-aaral at goal-oriented na tao. Siya ang tipong ayaw magpaistorbo kapag nakahiga na sa bunk bed niya. Minsan naiisip namin na may sarili siyang universe at nakalutang doon unraveling the mysteries of space and time. Minsan naman, naiisip namin na halo na lang ang kulang at santo na siya.

      Si Raphael Delgado, ang kwela sa grupo. Galing naman siyang Cebu. Delgads ang tawag namin sa kanya. Siya ang tipo ng taong nabubuhay sa Dota at iba pang computer games. Nakakabilib lang dahil sa kabila noon, nakakakuha pa rin siya ng mataas na marka. Siguro kung magseseryoso lang siya, makakapasok siya sa top five ng batch namin. Hindi rin pala siya ganun kahilig sa paliligo. Babasain niya lang ang buhok at mukha niya saka papasok sa klase. Ordinaryo na ang araw na may naguutos at nagsasabi sa kanyang, “maligo ka naman Delgads!”

      Si Franz Fuego naman ang kababayan kong galing din sa Bicol. Sa katunayan, siya ay tubong Albay, habang ako naman ay mula sa Sorsogon. Mas nauna ko siyang nakasama kesa sa iba pa naming kasamahan sa kwarto, kaya halos kami lang dalawa ang madalas na mag-usap sa mga unang linggo namin sa institusyon. Katulad ng iba pa na may sariling gawi at kawirduhan, namumukod tangi pa rin si Franz. Tuwing gabi, kahit na malamig ang kwarto dahil sa aircon, sanay siyang matulog ng nakabrief o boxers lang. Kinakantiyawan na lang namin na kailangan na niyang magsuot ng damit dahil baka gapangin siya sa himbing ng pagkakatulog niya. Sa tuwing naliligo naman kami, mahilig siyang maglakad sa loob ng common bathroom na walang kahit anong saplot kaya sinisikap namin na huwag malaglag ang hawak naming sabon. Isa pa sa napapansin ko na pinagtatawanan naming lahat tungkol kay Franz ay ang pagpapasabog niya ng bad air sa kwarto na walang paunang sabi. Intense kung intense. Takbuhan kami agad palabas kapag ginagawa niya iyon. Nagtataka lang kami kung bakit ganoon kaintense ang amoy gayong pare-pareho lang naman ang kanin at ulam na kinakain namin sa araw-araw.

     Kung angst ang pag-uusapan, nariyan si Crite Carvajal, mula sa Agusan. Sa bawat araw na nakikita ko siya, nabubuhay mula sa pahina ng Kikomachine Komix ang katauhan ni Bertong Badtrip. Hindi naman sa pisikal na kaanyuan niya, subalit may ganoong aura siya. Madalas, tungkol sa Kikomachine ang pinag-uusapan namin. At inaaplay namin ang ilang banat at eksena sa mga araw na bored to death na kami.

      Si Marko Encinares pinakamatangkad sa batch namin, tubong Davao. Pero kahit na biniyayaan siya ng katangkaran, tulad ko rin siyang olats sa basketball. Enz ang tawag namin sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang pumapasok sa kukote ni Enz pero madalas niya akong gawing punching bag. Hindi rin naman ako nagpapatalo kahit na mas maliit ako sa kanya kung kaya’t nauuwi sa wrestling sa pagitan naming dalawa ang trip niya. Hilig rin naming pasanin sa likod ang isa’t isa, at natutuwa pa siya kapag nakikita niya akong nahihirapang habang binubuhat siya. Kapag ako naman ang bumabawi, sinisikap ko na mabibigatan siya sa akin. Sa pisikalan nga siguro nagsimula ang pagiging malapit namin at nang dakong huli ay itinuturing ko na siyang kapatid.

      Ako naman si Froi Dencio, ang pinakamabait sa walo. Mula pa ako sa pinakadulong bayan sa timog ng Sorsogon. May sarili ring mga kawirduhan at mga gawi, at alam kong naiintindihan naman ako ng mga kasama ko, sa kabila ng pagkakaroon ng topak minsan. Kung susumahing lahat ang mga trip at ugali namin, kami ang bumubuo sa nakakatuwang grupo ng mga umuukopang kadete sa Room 107.

******

    Nakalatag na ang lahat at tanging si Delgado na lang ang hinihintay namin. Lumipas ang sampung minuto, ngunit ni anino man lamang niya ay walang dumating. Nagsimula nang magisip ng kung anu-ano si Carvajal at sinabi na baka nahuli na ng naglilibot na gwardiya  si Delgadz. Dahil sa pamimilit na rin ng iba pa naming mga kasama, nagpasya si Fuego na sunduin na lang si Delgadz. Hindi pa nakakaalis si Fuego ngunit dumating na si Delgado na hinihingal. Parang hinabol lang ng asong ulol sa madilim na alleyway. Hindi pa nakakapagsalita ang kahit isa sa amin ngunit sunod-sunod na ang sumbong niya. Naglaglagan na rin sa sahig ang mga tsitsiryang bitbit niya na agad namang pinulot ni Fuego.

     “Grabe mates, muntik na akong mahuli ni Sir Ken habang kinukuha ang mga pagkain natin, mabuti na lang at nakapagtago ako kaagad.” hinahabol pa rin Delgado ang hininga.

     “At nagamit mo naman ang mga ninja moves mo? Kanina ka pa namin hinihintay at susunduin ka na rin sana ni Franz. Mabuti na lang at dumating ka. Tepok tayo kung nahuli ka ni Sir at makita yang mga tsitsiryang dala mo.” si dela Cruz.

     “Oo nga mate eh. Mabuti na lang talaga.” nakangisi si Delgado habang dala ang iba pang balot ng Chippy at Nova. Nilagay niya ang mga iyon sa gitna ng nilatag naming mga kutson.

      “So ano mates? Magsisimula na ba tayo o tatayo na lang tayo hanggang umaga?” hindi na rin nakapagtiis si Escalona at nagsimulang umupo sa isang gilid ng mga kutson at ng bukas ng tsitsirya. “Simulan na ang tsibugan! Mas masarap kumain kapag alam mong bawal!”

      “Eto namang si Escalona oh, kala ko naman good boy, pero ayos lan yan mate, last day na natin ‘to,” si Enz, na nagsimula na ring kumuha ng mangunguya.

      “Last night ‘kamo. Saka, isa-isa lang ang buksan natin. Mauubos agad yan. Mga tiyan nyo talaga, oo!” kinuha ni dela Cruz ang hawak ni Enz at nilagay iyon sa gitna.

       “Ano na nga ba ang gagawin natin? Kakain lang tayo ng tsitsirya tapos matutulog? Ang korny naman!” bigla ko nalang na nasambit dahil para na kaming nagkaroon ng sari-sariling mga mundo sa pagkalikot ng iba sa mga cellphone nila.

      “Yeah browh. Korrnii.” nag-second the motion si Carvajal.

       “Orgy! orgy! Orgy na yan!” tinataas-baba pa ni Fuego ang mga kamay habang sinasabi ang mga iyon.

       “Baliw! Orgihin ko yang mukha mo eh. Puro tayo lalaki dito.” inis ang nasa tono ni dela Cruz. “Mabuti pa at umupo na lang tayo sa palibot ng mga tsitsiryang ito.”

       “Tapos? Ano ang gagawin natin?,” tanong ni Escalona.

       “Orgy nga.” si Fuego pa rin. Tawanan kaming lahat, maliban kay dela Cruz.

       “Isa pa talaga Franz. Tatamaan ka na sa akin.” pagbabanta ni dela Cruz. Sumenyas si Enz kay Franz na tumigil na at hindi na nga ito umulit. Umupo kaming lahat sa palibot ng mga balot ng Nova at Chippy habang nakatingin kay dela Cruz.

       “Mga adik kayo? Para kayong nakakita ng multo sa mga tingin nyo sa akin.”

       “Eh inaantay namin ang plano mong gagawin natin. Mag-iispirit of the glass ba tayo? Tatawagin ba natin ang mga kaluluwang ligaw sa institusyong ito?” si Carvajal.

       “Ang tanong may glass ba tayo? Mga unan ang nandito Crite. So ano yun spirit of the pillow na lang? medyo iritable pa rin si dela Cruz. “Hello mates! Nakikinig pa ba kayo? Oy! So ang gagawin natin, clockwise from Dencio, magkukwento ng isang episode sa buhay niya na maaaring nakakahiya, nakakatawa, o nakakatakot na hindi niya malilimutan.”

       “Ayos yan mate!” si Delgado.

       “I agree! Simulan na natin kay Dencio!, tinulak pa ako ni Enz.

       “Ako talaga? Grabe ka dela Cruz.” Wala na rin akong nagawa kundi ang mauna sa pagkukwento para masimulan na ang rotation. Saglit akong nag-isip, pinikit ang mga mata at inalala ang detalye ng isang pangyayari sa buhay ko na hindi ko pa sa kanila naikukwento. Tama. Isang nakakahiyang kwento. Isang kwento tungkol sa biglang pagkulo ng tiyan ko sa di inaasahang pagkakataon.

******

      Second year college ako noon at may long vacation sa susunod na linggo. Dahil wala naman akong gagawin sa dorm at para naman makapagpahinga sa mga araw na iyon, naisipan kong umuwi sa bahay. Malayo ang lugar namin sa Sorsogon City. Mga dalawang oras na biyahe sa jeep. Minsan tumatagal pa kung may dinaraanang pasahero sa ilang lugar papunta sa amin. Nang araw na iyon, minabuti ko na lang na pagkatapos ng pananghalian pumunta ng terminal dahil may kailangan pa akong tapusin ng umaga at hindi rin naman aabutin ng dilim ang paguwi ko sakaling sa ganoong oras nga umalis ang jeep.

     Dumating ako sa terminal at halos isa na lang ang kulang bago umalis ang jeep. Sakto. Tamang-tama ang dating ko. Siksikan sa loob ang mga pasahero kasama ang mga bagahe na pumapagitna sa magkabilang upuan ng jeep. Buwis buhay akong sumuong sa sikip na gawa ng mga pasaherong ayaw umusog paabante. May bakante pang mauupuan malapit sa may driver at iyon ang pinagsikapan kong marating after 45 years.

      At iyon nga, nakaupo ako ng maayos kahit papaano. Makalipas siguro ang dalawang minuto ay agad ring humarurot ang jeep. Busy ako noon sa pag-titext dahil mawawala na ang signal sa mga susunod na oras. Wala akong pakialam sa mga katabi o kaharap ko dahil sa siksikan. Mas minabuti ko na lang na ituon ang pansin sa pagbabasa ng mga text messages.

     Maayos naman ang lahat sa nakalipas na sampung minuto nang bigla akong makaramdam ng pagkulo ng tiyan. Powtek. Sa kinain ko yatang manok sa turo-turo kanina. Isinawalang-bahala ko lang. Sinubukan kong maidlip at di pansinin ang pagkulo ng aking tiyan. Pero sa pagdaan ng jeep sa mga uka sa kalsada, sumasabay ang laman ng tiyan ko sa pag-alog ng jeep. Mas lumala pa ang pagkulo na nararamdaman ko.

     Dumilat ako at pinosisyon ang sarili upang maibsan ang pagkulong iyon. Habang umaayos ako ng pagkakaupo, napansin ko na kaklase ko pala nung high school ang nasa harapan ko, si Tina. Napansin niya rin siguro ako at napunta sa kamustahan at balitaan ang naging usapan namin. Ayos ‘to, sabi ko. Mada-divert ang isip ko sa kwentuhan namin at malilimutan ko na ang di mapakaling tiyan ko.

     Buong akala ko ay mawawala na ang nararamdaman ko ngunit lalo pa itong lumala. Iba na ang tingin sa akin ni Tina at mukhang napapansin na niyang may dinaramdam ako. Nagtanong siya kung ok lang ako at sinagot ko namang maayos naman ang kalagayan ko habang sinisikap na itago ang tunay na sitwasyon.

      Matapos iyon, naputol ang kwentuhan namin at nagpatuloy naman ang pagdurusa ko sa siksikang jeep na iyon. Nararamdaman ko na ang pagagos ng malamig na pawis sa aking noo at leeg. Sinilip ko ang oras sa aking cellphone. Isang oras na ang nakalipas at kailangan ko pang magpambuno sa nararamdaman ko sa susunod pang isang oras. Naramdaman ko na nagpupumiglas na ang laman ng aking bituka na nais nang lumabas. Not here Lord. Please, not here. Marahan akong umuusal ng panalangin na sana ay huwag mangyari na magkalat ako sa loob ng jeep.

     Natawag ko na yata anglahat ng santo ngunit hindi humupa ang nangangalit na tiyan ko. Sinubukan ko na ring kontrolin ang abdominal muscles ko, but I just tried everything in vain. Walang nangyayari. Ilang minuto pa at alam kong di ko na kayang i-hold. Lumabas na nga ang mga salarin sa pagkulo ng tiyan ko. Napapikit nalang ako. Sa muli kong pagdilat, I saw a white light. And then, I realized: sh*t! I just sh*tted on my pants! Hindi na ako gumalaw sa inuupuan ko. Sinabi ko sa sarili ko na saka lang ako gagalaw dun kapag nakarating na ako sa amin at bababa na ako ng jeep.

    Mabuti na lamang at may suot akong shorts sa loob ng pantalon nang araw na iyon. Wala namang tumagos sa pantalon ko kahit papaano. And miraculously, walang nangamoy. Nang makababa na ako ng jeep, buong sikap kong nilakad ang daan pauwi sa bahay, dumeretso sa banyo at naghugas. That was really a whole bunch of sh*t that had happened to me kapag naaalala ko.

******

      Sunod-sunod ang yuck! at eww! na narinig ko sa mga kasama ko pagkatapos kong magkwento. Ang ilan naman sa kanila ay nagtawanan. Mga adik, sa isip-isip ko. At least ako, may naikwento na. Sila naman ang susunod na magbabahagi ng pangyayari sa buhay nila. Biglang nagsalita si dela Cruz, tumatawa.

     “Nakaya mo yun Denz?Haha! Grabe naman!”

     “Grabe ka diyan. Ikaw kaya yung mawalan ng option.” sagot ko. “Si Franz nga nagpapasabog kahit sa loob ng FX eh.”

      “Oy, oy. Mabuti yun at hangin lang.” depensa ni Fuego.

      “Sige na. Tama na yan. Grabe na tayong makapag-react. Si Delgado na ang susunod na magkukwento.” pinutol ni Escalona ang diskusyon. “Sige na Delgadz. magkwento ka na.”

     “Okey mate! Makinig kayo sa akin mate dahil tungkol sa pamboboso ang ikukwento ko.” nakangisi na naman si Delgado.

     “Sige mate, dali, ikwento mo.” si Enz.

    “Teka lang mate… kailangan ko muna ng mangunguya.” kumuha si Delgado ng isang balot ng Chippy at binuksan iyon. Dumakot ng laman at agad na isinubo. Hindi pa nauubos ang nginunguya niya subalit nagsimula na siyang magsalita.

     “Angrrgh kwento ko mate…”

     “Ubusin mo muna nga yan Delgadz.” si Carvajal.

     Natawa na lang ako sa pagsaway kay Delgado. Si Delgadz talaga! Kahit kailan.  Napabuntong hininga ako at natuon ang pansin sa may pintuan. Bahagya itong nakabukas. Naaalala ko naman na naisara namin iyon nang pumasok si Delgado. Mukhang may tao. Naging sigurado lang ako na may tao nga nang makita ko itong dahan-dahang gumalaw. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at sumenyas sa iba ko pang kasama na tumahimik. Naglakad ako patungo sa pintuan upang alamin kung sino ang naroon. Natahimik na rin ang mga kasama ko habang pinagmamasdan akong humahakbang patungo sa pinto. Tepok talaga kami kapag si Sir Ken o ang gwardiya ang taong ito. Hinawakan ko ang doorknob upang tuluyang mabuksan ang pinto at malaman kung sino ang nasa likod niyaon. Itutuloy.