“Dencio, dalian mo na. Andito na ako sa Rob Manila. Katatapos lang ng training namin. Ano na? Natext mo na ba yang high school batchmate mo na i-memeet natin?”
Text message ni Ericson. Batchmate ko sa institute. Isa siya sa mga naging pinakaclose kong kaklase. Halos nakababatang kapatid na rin ang turing ko sa kanya (kahit na mas matanda siya ng isang taon sa akin). Nagtataka lang ako dahil kahit ganun kami kaclose, wala akong maalalang moment na tinawag niya ako sa pangalan. Laging apelyido ko ang ginagamit nya sa pag-address sa akin. Sa text, sa tawag, sa FB, kahit naguusap kaming dalawa. Ganun lang talaga siguro. Mas komportable siyang tawagin ako sa apelyido ko.
“Powtek naman oh. Andito pa ako ngayon sa MRT. Kagagaling ko lang ng Pasig. Hintayin mo na lang ako diyan. Nagmeet din kasi kami ng isa ko pang classmate sa high school,” reply ko sa text niya na tatlong beses niyang sinend sa akin.
“Sige, basta wag kang magtatagal. Wala akong kasama dito.” Agad na natanggap ko ang reply niya.
“Grabe ka naman. Me nagi-stalk ba sayo? Me masasamang-loob ba na dudukot sayo? Chill ka lang diyan. Ilang minuto na lang nariyan na ako.” Matapos kong mai-type ang mga iyon, sinilid ko na ang cellphone sa dala kong maliit na bag. Nagsisimula ng magsiksikan ang mga tao sa loob ng MRT.
Iyon siguro ang dahilan kung bakit little brother ang turing ko kay Ericson. Medyo dependent siya sa ilang aspeto, pero alam ko naman na kaya niya ang sarili niya. Naging magkasama na rin kami sa student organ, at dahil ako ang kaladalasang nagbibigay at nagpapasa ng task para sa kanya, madalas din niya na hindi gawin iyon o di kaya’y huli na bago ipasa ang natapos niyang task. Nagkaroon na rin kami ng konting hidwaan dahil dun. Napagsabihan ko siya, sumama ang loob nya at di niya ako kinibo sa loob ng isang linggo. Siguro, kung nakababatang kapatid ang tingin ko sa kanya, kuya naman ang tingin niya sa akin. Di niya lang siguro pinapahalata dahil mas matanda siya kesa sa akin.
Nakalipat na ako sa LRT EDSA Station. Ilang istasyon na lang makakarating na ako ng Rob. Iniisip ko kung iti-text ko ba ang isa pang ime-meet namin ngayon, si High School batch mate. Kaninang umaga maayos naman ang usapan namin sa telepono, na ngayong hapon din kami magkikita sa Rob. Hindi ko nga lang sinabi na kasama ko si Ericson. Sa totoo lang, ang agenda ko kung bakit ko sila niyaya eh magpapadespidida sana ako. At dahil malapit naman sa Rob ang mga lokasyon nila, dun ko na lang sila niyaya. Sa makalawa na ang alis ko, at dahil ang ibang kaibigan ko ay wala sa Manila area, silang dalawa ang makakatsibog, kung sisipot sila.
Pedro Gil Station na. Dali-dali akong naglakad sa direksyon patungong Rob. Tinext ko si Ericson kung saan ko siya hahanapin. Pati si batch, tinext ko na rin na malapit na ako sa Rob. Pagdating ko doon, dumeretso ako sa National Bookstore. Lumusot ako sa inner entrance at nagtungo sa Mcdo. Nasa malapit daw dito si Ericson.
Nakita ko si Ericson sa ibaba ng escalator. Akmang magtatago, pero nahuli ko na. Napangisi nalang ako. Lokong tao eto, oo. Lumapit ako sa kanya para batukan siya pero di ko rin nagawa.
“O, bat ang tagal mo? Nagkaugat at nagkapuno na ako dito sa kahihintay sayo Dencio. Saka nasaan na yang sinsabi mong kabatch mo? Baka mamaya mang-indjan yan?” Sunod-sunod ang mga sinabi niya. Niyaya ko na lang siyang umikot muna sa loob Rob.
“Hindi pa nagrereply si batchmate. Ikot na muna tayo.”
“Grabe ka. Hindi ka ba napapagod sa kakalakad? Kanina ko pa naikot ‘tong Rob sa kahihintay sayo.”
“Palipas oras ba. Habang naghihintay tayo. Kesa naman tumambay tayo dito sa tapat ng Mcdo at walang ginagawa.”
Nagsimula akong maglakad papunta sa escalator. Sumunod na lang din si Ericson.
“Saan na tayo pupunta?” tanong sa akin ni Ericson habang siniset-up ang mga earplug at sinaksak iyon sa cellphone nya.
“Sa taas, malamang. Umaakyat tayo diba?” pilosopo kong sagot.
“Subukan kaya nating pumunta sa Timezone? Videoke muna tayo habang hinihintay natin yang kabatch mo,” alok niya sa akin habang nakangisi.
“Basta ba hati tayo. Kahit maglaro pa tayo dun,” sagot ko.
“Ang daya! Ikaw ‘tong paalis na. Dapat tini-treat mo ako.”
“Adik ka. Pareho kaya tayong seaman. Magiging unfair kung laging ako yung taya.Sabi nga sa isang kasabihan, exercise your wallet.”
“Ikaw lang naman ang may sabi nun! Pero sige na. May card naman ako dito ng Timezone.”
Dumeretso kami sa Timezone, tiningnan muna kung may available na videoke room. Puno lahat. Pumunta kami sa counter para magpareserve. Habang hinihintay, napagdesisyunan namin na maglaro muna. Napagod na kami sa paglalaro,pero hindi pa rin tapos ang mga nagbi-videoke. Nauuhaw na ako, kaya nagyaya akong pumunta sa pinakamalapit na may mabibilhan ng maiinom. Milktea. Sakto. Umorder ako ng dalawa. Naghanap kami ng mauupuan at pumwesto sa sulok kung saan kitang-kita namin ang Timezone.
“Salamat dito ha?” turan ni Ericson habang bnubutasan ng straw ang inumin niya.
“Anong salamat? May bayad yan!” biro ko.
“Wala. Padespidida mo na ‘to, ha ha! Maiba ako. Darating pa ba yang sinasabi mong ime-meet natin?”
“Oo. Baka male-late lang dahil may modeling na kung ano daw na pupuntahan.”
“Emeyged! Modeling? Grabe yang kaibigan mo ha. Baka mamya ma-underdress tayo niyan,” natawa ako sa reaksyon ni Ericson.
“Ayos naman tayo ah. Saka, don’t worry. Hindi naman yun ganun ka-out-of-this-world. Malay mo, makita na may potensyal tayo, tapos yayain tayo sa pagmo-model.”
“Baliw ka. Dahil diyan ipapanalangin ko ngayon na ‘wag na siyang dumating.”
“Alam mo, ang sama mo. Ipapakilala ko nga siya sayo, tas ikaw sa kanya. Tapos ngayon, ganyan ka.” may panunuya ang tono ng boses ko.
“Ewan ko sayo Dencio! Halika na at mukhang may available na dun na room.”
Pumunta na kami sa Timezone. Ilang kanta rin ang tinanggalan namin ng hustisya. Good thing at kaming dalawa lang ang nakakarinig ng mga iyon.
Alas-otso na at wala pa rin si batch. Powtek. Ininjan na nga kami nun. Hindi na nagreply sa mga text ko. Pareho na rin kaming gutom ni Ericson. Naririnig ko na rin ang pagkalam ng sikmura ko. Umalis kami ng Timezone at nagsimulang maghanap ng makakainan.
“So ano, mukhang inindjan na nga tayo niyang kabatch mong model? Kumain nalang tayo ng dinner dahil gutom na ako.” si Ericson.
“Hindi na yun darating. Natupad ang pinapanalangin mo,” sagot ko sa kanya.
“Eto naman oh. Pero saan tayo kakain? KR ba? O Classic Savory?”
“Hinde. Dun tayo sa may Food Court.”
“Grabe, ang kuripot mo! Paalis na nga lang eh. Sige na kahit Kenny Rogers na lang.”
“Sige, basta magbabayad ka rin, ha ha!” pumayag ako, pero plano ko talagang ako na ang sasagot sa kakainin namin.
Nakarating kami sa KR. Ako na ang umorder ng kakainin namin at pinahanap ko na lang ng pwesto si Ericson. Lokong tao ‘to. Napapunta ako dito. Okey lang naman. Padespidida ko na rin ‘to. Corny lang dahil di namin kasama ang barkada. Halos lahat on board pa at kami pa lang ang nasa lupa. Pero iniisip ko, hindi naman ako naa-awkwardan na siya lang kasama ko, na parang nagdi-date kami. Siguro iisipin ng iba bromance na kung ano. Ganun nalang talaga siguro kung kinakapatid mo na yung tao, di naman nakakawkward. Kapamilya na kumbaga.
“Ayan, tsibog na tayo. Pabayaan na natin ang mga taong nangi-injan.”
“Magkano ba Dencio? Eto bayad ko,” sabay abot sa akin ng perang tig-iisang daan.
“Adik ka. Treat ko na ‘to. Sayo na yan.”
“Salamat Dencio! Ikaw na talaga!”
“Kumain na lang kaya tayo? Kanina pa ako gutom.”
Pinagpyestahan namin ang nakalatag sa mesa. Ilang extra rice na rin ang nirequest ni Ericson dahil nakakabitin daw sa ulam. Sinabihan ko lang siya na ako na ang bahala sa extre rice nya.
“Alam mo Ericson, nakakatuwa diba? Ngayon lang tayo nakakagala ng ganito, tapos nakakain sa ganito. Nung college tayo di naman tayo tumitsibog sa mga ganitong lugar,” sabi ko sa kaniya habang nginunguya ang berdeng gulay na kasama sa mandarin salad sa harapan ko.
“Kase noon wala pa naman tayong trabaho. Tapos nakakulong kaya tayo sa Cavite noon,” sa institute ang ibig sabihin niya.
“Sa bagay. Di naman natin naranasan ang mag-skip ng klase tapos magbulakbol. O magloko o kung anong ginagawa ng karaniwang estudyante. Punta kaya tayo ng bar mamaya pagkatapos neto?” hamon ko sa kanya.
“Baliw ka talaga no? Ano yun, good boys gone wild lang?”
“Itry lang natin. Malay mo.”
“Anong malay ko?”
“Malay mo, okey pala, hehe. Saka minsan lang naman. Ever since nakapunta ka na ba sa mga ganun? Sa Malate marami oh.”
“Tigilan mo nga ako. Punta na lang tayo sa Star City. Maaga pa naman.”
“Sige. Star City na nga lang. First time ko lang din kung pupunta tayo ngayon.”
Ayun nga. Pagkatapos naming kumain dahan-dahan na kaming naglakad papuntang Baywalk. Sinabihan ko na si Ericson na magtaxi na lang kami dahil medyo malayo pa ang lalakarin namin, pero nagpumilit siya na maglakad na lang kami. Hindi ko na rin siya sinalungat. At naglakad nga kami hanggang sa makarating kami sa Star City.
“Grabeng trip mo Ericson! Tingnan mo at isang oras na lang ang pwede nating itagal sa Star City,” medyo hinihingal pa ako dahil sa nilakad namin.
“So bilisan na rin natin at kumuha na tayo ng ticket para sa mga rides!” bubbly pa ang tono niya. Mas energetic kahit kailan.
“Wag na tayong magra-ride-all-you-can, alanganin na. Tingin nalang tayo sa loob kung anong pwede.”
“Sige unahin na natin yung may ‘scream’ something. Mukhang nakakatakot.”
“Okey. Tingnan natin yang tapang mo,” tuya ko sa kanya habang naglalakad kami papunta sa 4D ride na iyon.
Nakapasok kami, at makalipas ang sampung minuto ay lumabas na kami. Natatawa lang ako sa nangyari sa loob.
“Alam mo ang KJ mo. Di ka man lang humihiyaw dun sa loob.” si Ericson.
“Alangan namang hihiyaw ako eh, hindi naman nakakatakot. Saka alam mo din, ang korni mo. Hiyaw ka naman ng hiyaw sa loob.”
“Ganun naman talaga dapat. Sinasakyan mo yung trip nung rides. May biglang sumulpot na multo, hihiyaw ka. Yumugyog ang inuupuan mo, hihiyaw ka. Sayang ng binabayad mo kung di mo ineenjoy at fini-feel yung rides,” napaexplain pa si Ericson.
“E kaplastikan naman kung hihiyaw ka tapos di ka naman nagulat. Adik lang?” sabi ko sa kanya habang naglalakad kami papunta sa susunod na ride.
“Hindi yun kaplastikan. Sinakyan mo lang yung trip.”
“Basta. Korni yung ride na yun.”
Isang oras ang tinagal namin sa Star City. Lumalalim na ang gabi. Kailangan na rin naming umalis dahil sa Fairview pa ang uuwian ko. Maraming nakaabang na taxi sa labasan pero nag-aya parin ng walk home si Ericson. Good Heavens. Lakad papunta at lakad pauwi.
“Maglalakad na naman tayo? Kala ko ba me mga trabaho na tayo ngayon? Sawa na ako sa kakalakad.” reklamo ko.
“Okey lang yan. Ihatid mo ako hanggang Quirino, tapos sa Taft ka na lang sumakay. Sige na Dencio,”
“Mas convenient pa di ba kung magta-taxi na lang tayo, mas mabilis ka pang makakarating sa tinutuluyan mo.”
“Eh, pwede naman tayong magkwentuhan habang naglalakad pauwi. May alam naman akong shortcut papunta dun. Pleaassee?”
Eto na. Nagpa-helpless mode na ang tinuturing kong little brother. Wala na rin akong nagawa at sumama sa trip nya. Binaybay namin ang kahabaan ng Roxas hanggang sa makarating sa San Andres. Sumuot kami malapit sa Malate Church at napadaan sa ilang bar doon. May ilang mga bugaw sa madidilim na sulok na sumusulyap sa amin. Maya-maya pa ay may nadaanan kaming lalaki. May inaalok sa amin.
“Boss, babae? Ilang taon gusto nyo?”
Powtek. Sa isip-isip ko. Binilisan namin ang lakad namin.
“Boss! boss!” naririnig pa rin namin ang tinig nung mama kahit nakadistansya na kami. Bumaling sa akin si Ericson.
“Hindi po kuya. Lalake ang gusto namin kuya.” napapatawa niyang sabi habang palayo kami sa mama.
“Ano ka ba Ericson! Baka maprovoke yung tao tapos magalit sa atin. Wag mong pinagloloko,” saway ko sa kanya.
“Ano kaya kung ganun nalang no? Alukin ka ng babae tapos sabihin mo lalake. Tapos sabihin nya, ako na lang, pwede?” Ha ha! Hindi pa rin matigil ang tawa niya.
“Oo, para makita mo hinahanap mo, at mapagtripan ka sa kung saang madilim na kanto.” sagot ko.
“Ikaw talaga, killjoy kahit kailan. Ayan, malapit na ako. Liliko na ako sa kalyeng ‘to. Ingats na lang sa pag-uwi.”
“Sige, malapit na rin naman ang Taft. Sakay nalang ako ng FX. Ingat ka rin. Balitaan na lang sa FB.” Tinahak ko ang kalye papuntang Taft habang sa kabilang kalye naman nagtungo si Ericson. “I-text mo ako kapag nakarating ka na sa tinutuluyan mo.”
“Okey. Salamat pala sa treat. Sa uulitin.”
“Adik. Ikaw na naman ang mangti-treat sa uulitin.”
Lumakad na palayo si Ericson. Tumuloy na rin ako sa aabangan ko ng sasakyan. Naghintay ng ilang minuto sa Taft at nakasakay naman kaagad.
“SM Fairview ho kuya,” inabot ko ang pamasahe sa driver ng sasakyan. Sakto naman ang binayad ko, kaya di ko na kailangang maghintay sa sukli.Sinandal ko ang likod ko sa upuan at pinapahinga ang mga paang kanina pa sumasakit dahil sa kalalakad. It’s been a long day, sabi ko sa isip ko. Sa susunod na taon na ulit kami magkikita-kita nila Ericson. Sayang lang at di namin nakasama ang ilang kabatch namin sa Institute.
Natatawa na lang ako kapag naiisip ko kung bakit mas naging malapit ako sa ilang college classmates ko kesa sa mga kaklase ko nung higschool, lalo na at isang taon lang naman ang pinagsamahan namin nung nasa Cavite kami. Siguro mas nakilala lang talaga namin ang isa’t-isa dahil kami-kami lang naman ang magkakasama, na sabay-sabay gumising, maligo, kumain, mag-aral at matulog. Siguro mas nagkaroon lang talaga kami ng magandang bonding sa kabila ng pressure at kung ano-ano pa sa loob ng isang taong iyon. Sa bagay, kami rin naman ang makakatulong sa kapwa namin kadete nung mga panahong iyon.
Sa ngayon, kung sino ang bagong baba ng barko at pasampa pa lang ang kadalasang mangti-treat ng barkada. Nakikita ko pa rin ang mga pictures nila sa FB sa tuwing may maliit na pagtitipon ng mga kamate namin sa lupa. Sumampa na rin si Ericson at di ako nakatsibog sa padespidida nya. Hindi na bale, babawi na lang ako sa susunod na taon. Babawi ako at aayain ko siya sa kainang heaven is the limit ng pagkain. Sa time na yun, gudlak sa kanya.
Teka, mali ang in-expect kong ending. *hahaha* Sorry naman.
ReplyDeleteKasi naman yung bromance niyo eh... :P
haha! hindi kami talo eh.
DeleteSaka ganun naman siguro kung "makulong" ka sa isang all-boys na lugar for certain period of time. Me nabubuong platonic relationship na kapag lumabas na kayo eh iisipin ng iba na you-know-what relationship. hehe
Iba kasi yung sitwasyon sa loob ng bilibid, if you know what I mean. *wink*
Deletetotoo Sep. hehe. Halos lahat ng uri ng drought mararanasan mo. But does it connect to what you mean?hehe
ReplyDeleteSweetness! Parang kami ng mga kapatid ko lang, gusto ko lagiu mag-taxi and since sila yung mga estudyante, lahat ng pagtitipid ay ginagawa samantalang ako ay basta may panggastos pa at masaya kami, sige sa splurge!
ReplyDeleteAnyway, iba talaga ang closeness na nabubuo sa mga a-la-bahay-ni-kuya set ups kasi you dont have anyone else to depend but each other. You can learn to trust or more of you just have to trust others for you to continue.....
Mej disappointed si Babysep sa ending? Wahahahahahahahahahahahahahahaha
yun nga Yccos. Minsan, alam mo yun, kung ikakaligaya ng barkada, di mo naiiisip yung nagagasto.hehe
DeleteKung iisipin ng mga panahong iyon deprived kami sa mga bagay na karaniwang tinatamasa ng ilang college students: cellphone, excess na pera, pagbubulakbol etc. pero nakabuo naman kami ng friendships na kahit lumabas kami eh, ititreasure pa rin namin. hehe