Ayoko talaga ang pakiramdam ng nakainom. The state of being drunk. Navi-visualize ko ang pagdaloy ng alak sa loob ng katawan ko. Mula sa paglunok ko, sa pagdaan ng likidong iyon sa esophagus, hanggang sa pagpirme nito sa tiyan ko. At hindi iyon nagtatapos dun. Nararamdaman ko ang hagod sa dibdib ko na parang sa loob-loob ay nilulunod ang puso ko. Mabigat sa pakiramdam, sabayan pa ng pagiging disorganize ng pag-iisip ko. Ang mga nararamdaman kong ito sa tuwing ako ay nakakainom ay bahagi lang ng dalawang bagay na pinakaayaw ko: pangungulila at kalungkutan.
Hindi ko alam kung bakit, pero sa tuwing nalalasing ako, parang nahuhukay ang mga baul ng kalungkutan na ni-lock na ng subconscious ko sa pinakamalalim na bahagi ng puso ko. Nababadtrip ako dahil yun at yun na naman ang nararamdaman ko. Iniisip ko kung ang mga dahilan, kung anu-ano ang laman ng mga baul na iyon pero wala akong mahanap na kasagutan. Sa huli, napagtanto ko parang nalulungkot ako sa di malamang dahilan, o dahil iyon ang sinasabi ng isip ko.
Nag-inuman na naman kagabi. nagkayayaan ang tropa na mag karaoke habang di pa lubos na nararamdaman ang maalong dagat. Alas-nuwebe na ng gabi at wala akong planong sumali sa inuman sessions nila. Katatapos ko lang manood ng ilang pelikula at gusto kong ipagpatuloy ang aking nasimulang movie marathon pero bababa muna ako sa galley upang magluto ng pancit canton.Pagbaba ko sa A Deck, dumaan ako sa kabilang pinto para di ako mapansin ng mga kasamahan kong kanina pa nag iinuman sa recreation room. Nagulat nalang ako dahil ang ilan sa kanila ay nasa galley at naghahanap din ng makakain. Wala na akong ligtas dito, yun ang naisip ko. Kaya pagkatapos kong maluto ang pancit canton, dumeretso na ako sa recreation room, nagbukas ng bote ng beer at ginawa iyong panulak sa kinakain kong canton.
Hindi na ako nakatakas pa ng gabing iyon. Bahala na ang movie marathon. Bahala na kung makaramdam na naman ako ng kalungkutan with no apparent reason. Kwentuhan ang tropa. Nakikinig lang ako. Nagbibigay ng matipid na komento minsan, pero malayo ang iniisip ko. Ang weird. Dapat sana ay ini-enjoy ko ang moment, habang kasama sila dahil sila rin naman ang kasama ko sa buong kontrata. Inom. Kain ng canton. Tawa sa di maintindihang biro. Maya-maya magso-zone out. Powtek. Why I am so alone???
The hell. Nagzone-out na nga ako. Kung di dahil sa inuming de alkohol buhay pa ngayon si erpat. Hindi sana puntod ang nadatnan ko nung matapos ang una kong kontrata sa barko. Kung di dahil sa alak di sana siya napatay. Me erpat pa sana ako at kumpleto kami. The hell talaga. Inom. Kain ng canton. Zone-out. Bakit ba kase ganun? Oo, hindi siya naging mabuting ama sa akin. Hindi kami ganun ka-close. Hindi kami madalas mag-usap, pero sinasabi ng puso’t isip ko na hindi dapat nangyari sa kanya iyon. Dapat nakikita nya kung ano na ang narating ko ngayon. Dapat sabay kaming nag-iinuman. At kinukwento ko sa kanya na eto na ako ngayon, malayo sa akala niyang di ko mararating noon.
“Kumuha ka pa ng beer Froi!, Bote na lang yang hawak mo,” napansin ata ng isang kasama ko na malalim ang iniisip ko. Kumuha ako ng isa pang bote ng beer sa bucket na puno ng yelo, binuksan iyon at bumalik sa kinauupuan ko. Hindi ko alam kung ilan pa ang maiinom ko, pero alam ko na madaling araw pa matatapos ang inumang ito. Nagpadala na lang ako, at hinayaang muling malunod ang puso ko sa alak. Mamaya, hihiga na naman ako na mabigat ang loob. Mauungkat ang laman ng baul sa loob-looban ko. Bahala na. Makakatulog naman agad ako. At least ngayon alam ko na ang isa sa mga laman ng baul na iyon. Maaari nang makabawas ng dinadala ko sa tuwing nakakainom ako…
Post a Comment