IMG_20140104_171301

Matagal ko nang gustong makasakay sa kalabaw ulit,

sakto me nakita ako on my way home

         2014. Another exciting year na naman para sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero marami akong inaasahang mangyari at maaring mangyari sa taong ito. Anyways, gusto kong humingi ng pasensya sa aking blogger friend na si Pareng Cyron dahil di ako nakagawa ng tinag niya sa aking All I want For Christmas entry, pero sana natupad ang wish list nya. Gagawa sana ako pero lumipas na ang 25th at wala ni isa man sa mga wishes ko ang natupad. Isa pa, nasa kabundukan ako nung mga panahong iyon. Walang wifi, mahina ang reception ng broadband at medyo busy rin sa kalalakwatsa with the barkadas. Don’t worry, isi-share ko ang ilang moments ng vacation ko sa susunod na mga blog entry.

        Hindi ko alam pero parang bitin ang bakasyon ko. Wala eh, kelangan ng pumunta ng kalakhang Maynila para sa susunod na kontrata. Mahirap pala kapag nahumaling ka na naman sa home town mo, ang bigat sa pakiramdam kapag sumakay ka na ng bus, tapos unti-unting inaabot ng iyong tanaw yung greeneries sa lugar nyo. Tas ayun sabayan pa ng mga vintage songs yung pag-emote mo, kya swak na swak talaga. Nakakabadtrip nga lang yung sobrang siksikan. Daig pa namin ang mga sardinas sa lata dahil nagpupumilit pa ang konduktor ng bus na pasakayin ang ilang taong nadaraanan sa tabi ng kalsada kahit wala ng mauupuan. Gudlak nalang sa halos 14 oras na byahe galing sa bayan namin puntang Maynila.

      Magtatanong ka siguro kung bakit ang OA naman ng byahe galing sa amin papuntang Maynila. Sige, bibigyan kita ng ideya. Laking Bicol kase ako. Yung lugar namin eh nasa gawing dulo ng Sorsogon, sa Sta. Magdalena. Kung papunta kang Allen, Northern Samar at galing ka sa Luzon, kailangan mong dumaan sa Municipality ng Matnog dahil nandun yung mga RoRo na bumabyahe puntang Allen. Ilang kilometro pa bago ka pa man makarating sa me parteng sentro ng Matnog, may makikita ka nang sign board na may nakalagay na “To Sta. Magdalena.” Me iba pang nakasulat dun basta yung crossing kung saan nakalagay yun, deretso na sa munting bayan namin.

    Dati masyadong lubak ang daanan papunta sa amin, pero sa tuwing nalalapit ang eleksyon, unti-unting napapasemento ang daanan. Medyo liblib din ang daraanan kaya baka maisip mo na nasa jungle ka na kapag napagpasyahan mong magawi roon. The good thing is, kapag nasanay ka na at na-appreciate mo na ang lugar, hindi ka na mag aatubiling magpabalik-balik pa.

    Teka, balik ulit tayo sa pagiging OA ng time ng byahe papunta sa amin. OA in a way na sasakit talaga ang tumbong mo sa ilang oras na pag-upo at walang galawan lalo kung siksikan, bonus na  din kapag ang katabi mo eh me dalang bayong o karton ng manok na bigla na lang titilaok. Hindi lang sa tilaok ka maiirita kundi sa sa amoy na dala nito. Pwede ka rin namang magreklamo sa konduktor at siguradong sa estribo deretso ang alaga ng katabi mo.

oooOOOooo

     Nung unang nabalitaan ni Mama na uuwi na ako, excited nyang sinabi sa akin na magkakatay daw sila ng native chicken pagbalik ko. Eto naman, ako, tuwang tuwa dahil makakatikim ulit ako ng native na manok after 45 years. Ewan ko pero nung nasa byahe pa lang ako marami akong gustong kaining delicacy sa lugar namin, though natapos na ang bakasyon ko eh di ko nakain ang ilan sa kanila.

     So ayun nga, may kakatayin daw na manok pero nung pagdating ko sa bahay eh nadismaya ako sa nalaman kong kinatay nila. Alanganin daw pala katayin yung mga manok dahil naglilimlim ang iba at ang iba naman ay nasa “puberty” stage pa lang daw. Sa tingin mo ano kinatay ng family ko? See photo below.

DSC01009

Asucena, with matching Red Horse Beer

    Yun nga, si Bantay ang kinatay nila, masyado na daw kasing wild at nanakmal na ng passers-by. Hassle talaga mga tao sa bahay, oo. Sabi ko sa kanila tepok tayo sa mga animal advocate niyan. Nakatikim na ako ng ganyan nung maliit pa ako, pero ngayon kahit tikim di ko ginawa. Yun nga lang, nakaka-adik yung amoy ng adobong asucena. Bigla akong nag-salivate nung isang beses nilapit ko sa nostrils ko.

    Syempre pa, hindi kumpleto ang daily meals kung walang meryenda. Dito sa amin sa probinsya, di uso ang tinapay. Bentang-benta ang mga kakaning gawa sa bigas, kamoteng-kahoy at kung ano-ano pang root crops, sabay mo na rin ang mais at ilang klase ng banana. Hindi ko talaga pinalampas ang pagkakataong makatikim ng ilang luto ng suman sa amin at putong gawa sa kamoteng-kahoy.

DSC01995

Putong gawa sa kamoteng-kahoy, me surprise center na bukayo

     Marami pa sana akong gustong kainin, mga pagkain na natikman ko nung maliit pa ako, pero di umayon ang pagkakataon eh. Sumasabay din siguro sa nagtataasang presyo ng bilihin. Kahit na ganun, yung usual na lutuing Bicol ang di talaga mawawala. Nandyan ang Bicol Express, Pinangat, Kinagang at Laing. I’m luck enough  para matikman ang mga iyon sa pananatili ko sa amin.

oooOOOooo

     Lakwatsa mode. Get together kasama ang high school classmates at barkada. Ayoko talagang gumasta para lang ipainom kung kanino pero di talaga maiiwasan kapag napasarap na ang kwentuhan. Iniisip ko nga na pinapamigay ko nga ang pera (Chinese Lansones and the…), kaya okey lang naman siguro na maglabas ng konti for the sake naman ng barkada paminsan-minsan.

     Ayun nga. Di ko pinalampas na di makagala sa amin. Kahit liblib yung lugar, complete get away siya para sa mga taong gustong umiwas sa stress at usok ng lungsod. Dahil halos napapalibutan ang lugar ng karagatan (Pacific Ocean sa gawing silangan at San Bernandino Strait sa timog) malamang eh maraming beaches na maaring puntahan at paliguan. Sikat sa lugar namin ang mga pangalang Olango, Rawis, Pamana, Liang, New Port, at Balading na lahat eh pangalan ng beach resort. Mas marami sigurong dadayo sa lugar namin kapag naimprove ang mga beach na ito sabay na ang daanan papunta sa amin.

DSC01188

Kapag ang ibang lugar ay may ipinagmamalaking white sand beaches, sa amin naman eh may black sand beach

DSC01055

Isa sa mga trademark ng Liang Beach eh ang naglalakihang mga batong parang naguumpukan sa baybayin

 

DSC01192

Nope, mali ang iniisip mo. Dumakot lang ako ng konting magnetite sand o black sand sa dalampasigan

    Simula nang maliit pa ako, sa tuwing nagkakaroon ng piknik ang pamilya sa tabing-dagat, hindi pa man nape-prepare ang mga dala naming pagkain eh naghuhubad agad ako ng damit saka deretsong tumatakbo at nagtatampisaw sa dagat. Hindi ko alam kung bakit ganun na lang ako kahumaling sa dagat at di nila ako maawat sa gawain kong iyon. Nung lumaki na ako, ayun, sa dagat din ang bagsak ko, though hindi naman pwedeng tumalon at magtampisaw kapag nasa laot na. At dahil sobra kong namiss ang maligo sa dagat, nagkayayaan kami ng ilan kong mga kaibigan at di na namin sinayang ang pagkakataong magtampisaw sa dagat.

beach (1)

Okey lang namang mag-feeling hank pag may taym diba?

DSC01269

Eh ang mag-emote habang nasa tubig?

oooOOOooo

    May isang talon(falls) ako na gustong puntahan sa lugar namin. Huli akong nakapunta dun nung nasa elementary pa ako. Pinaplanuhan sana naming magkakapatid mamasyal doon pero hindi natuloy. Nadinig yata ng mga diwata ng kagubatan ang wish ko kaya nagkayayaan na naman kami ng mga kaibigan ko na pumunta sa isang kilalang falls sa karatig na bayan. Hindi ko inexpect na ganun kaganda yung mapupuntahan namin kaya ako na naman etong si Totoy Eksayted, tampisaw agad sa malamig na tubig na umaagos sa ilog na mula pa yata sa kabundukan.

DSC01710

Unang falls palang ang nadaanan namin pero ligong-ligo na ako.

Siyempre konting pose din dahil may taym

DSC01737

Mababa ang pangalawang falls pero mate-tempt ka na magtampisaw

DSC01835

Surreal sa pakiramdam kapag naabot mo na ang pangatlong falls.

Umaabot yata ‘to ng 15 meters o sobra

      oooOOOooo

         Medyo nabitin nga ako sa bakasyon ko pero sulit din naman dahil sa family at friends ko. Di ko nga lang natupad ang promise ko kay mader na pupunta kaming hot spring sa pag uwi ko dahil busy rin sila sa on going na renovation ng bahay namin. Sinabi ko na lang na next time babawi na lang ako.

       Tapos na ang 2013 at nairaos naman ang ilang major holidays sa bahay. Nabigyan ng pamasko ang ilang inaanak, nabisita ang mga kamag-anak at nakikain na rin sa bahay ng ilang kaibigan. Mabuti na lang at saktong sa mga holidays na iyon nataon ang bakasyon ko at bibilangin na lang ang mga araw at babalik na ako sa barko.

    Dahil nasa kalakhang Maynila na ako’y malakas na ang internet at wala na akong problema sa pag-publish ng mga sinalitype ko. Isa pala sa mga wish ko na sana ay me internet sa susunod na barkong sasampahan ko para makapagpost ako ng blog entry at updated ako sa mga pinagsusulat ng mga tao sa blogosperyo. Kakatuwa rin pala dahil kahit papaano’y may walong taong naisipang i-follow ‘tong blog na ‘to na bihira kong maupdate. Yay! \m/

   Sabi ko nga eh, excited ako sa taong 2014. Bakit? Ewan. Hindi ko rin alam. Basta yun yung nararamdaman ko. Sana palarin na sa lovelife dahil lagi na lang sawi sa pag-ibig (naks!).  De, me nagtanong nga sa akin kung ano ang New Year’s resolution ko. Sumagot na lang ako ng wala (dahil wala naman talaga). Nagi-guilty lang ako dahil di ko naman natutupad at nagagawa ang specific New Year’s resolution ko nung nakaraang taon. Sinabi ko na lang na magmo-move forward na lang ako sa taong ito. Yung tipong di na magpapatali sa past (super naks!).

  Nagugutom na ako. Tama na muna siguro itong mga sinalitype ko.

oooOOOooo