Ms. S,







Hi?

Hindi ko alam kung papaano magsisimula. Hindi ko alam kung ano ang unang sasabihin ko, kung ano ba ang dapat na sabihin sa taong hindi ko pa nakikita sa personal. Hindi ko alam kung paano ko ipapakilala ang sarili ko, dahil sa totoo lang, sa tuwing naiisip ko na gagawin ko, nawawala ang mga salitang akma sa kung ano ang nararamdaman ko.

Hi.

Dalawang letra ng alpabeto sa wikang Ingles. Hindi ko alam kung anong salita ang katumbas sa Filipino. Madali lang sanang sabihin gamit ang internet, pero mas pinili kong sabihin sayo sa pamamagitan ng liham na ito. Hindi ko alam kung anong pangungusap ang isusunod ko, o kung anong wika ang gagamitin ko. Ang alam ko, sa mga salitang nabubuo ng mga titik at mga salitang bumubuo ng mga pangungusap, nagkakaroon ng pagkakataon ang isang taong sabihin ang nasa puso niya. Isulat ang nararamdaman niya. At ipabatid sa iba ang nasa isip niya.

Hi.

Ako nga pala si Froi. Pangalan daw na kinuha pa sa lolo kong namayapa na. Gusto kong makipagkilala sayo. Alam ko na medyo out-of-the-blue, pero gusto ko rin na malaman mo na umiiral ako.  That I exist, sabi nga sa Ingles. Isa lang naman akong simpleng tao. Hindi naman kagwapuhan, pero naliligo naman ako. Mabait, magalang at matulungin, sabi ng nanay ko. Katulad din ng ibang tao, katulad mo, may pangarap. May mga inaasam. May mga hugot sa buhay. May mga pinapasan. May mga likes and dislikes. May mga katanungang nais ding masagot.

Hi.

Marahil nagtatanong ka kung paano ko nalaman ang pangalan mo at kung paano ka umagaw sa atensyon ko. Facebook, sabi nga ni Mark Zuckerberg. Sa ilang litrato nakita kitang kasama ng mga dati kong guro. Sa ilang litrato ring iyon sumidhi ang interes kong makilala ka.

Inipon ko ang lakas… (Mukhang weird pagTagalog). I gathered all the courage I can muster to say hi to you. At nabuo ang liham na ito. Hindi man ito ang tipo ng “Hi” na makikita sa mga chatbox, nais kong malaman mo na ang dalawang letrang iyan ang nagbigay sa akin ng pagkakataong simulang magsulat ng mga salitang bumubuo sa pangungusap,  mga pangungusap na bumubuo ng mga talata at mga talatang bumuo ng liham na ito upang ipabatid sa iyo na gusto kitang makilala. Higit pa sa kung ano lang ang nakikita ng mata sa litrato, o kung ano lang ang ipinapakilala ng mundong kung tawagin ay Internet. 

Pagpasensyahan mo na ako kung medyo may sa pagkamakata yung sulat ko. Buwan daw kasi ng wika, at muli mong binuhay ang dugong makabayang nananalaytay sa aking mga ugat (naks!). Sa kabila ng apat na raan, tatlumpu’t siyam na salitang nasabi ko na, nais ko lang iparating mula sa sulok na ito ng mundo ang “Hi” ko na bagaman binubuo lang ng dalawang letra ng alpabeto, higit pa ang kahulugan sa nilalaman ng sulat ko. Ang lubos na makilala ka. At magkaroon din ng pagkakataong ang isang abang tulad ko ay makilala mo.



-Froi