Keep-Your-Man-From-Cheating-Guy-And-Woman-Holding-Hands

            Nasa elementary pa lang ako noon nang una kong marinig ang kantang  “Seamanloloko” ni Ai Ai dela Alas. Nakakatuwa dahil kahit sa mga karaokehan sa probinsya ko lang naririnig iyon na kinakanta ng mga nag-iinumang magkukumare eh tumatak sa isip ko ang mga linyang, “nang ikaw ay sumakay, labis akong nahirapan, nangulila sa iyo, andun ka sa karagatan.” Sa totoo lang, wala akong kaide-ideya kung ano ang seaman na yan, kung kaya’t sumasabay na rin ako sa biruan naming magkakapatid at magpipinsan sa pagamit ng salitang “seamanloloko” at pagkanta sa awiting ito ni Ai Ai. Ang hindi ko alam, pagse-seaman rin pala ang kukunin ko sa hinaharap.

           Fourth-year high school naman ako noon nang magsimula akong magkaroon ng ideya sa kung ano ba ang seaman. May grupo ng mga taong nakagayak at nakauniporme ang pumunta sa paaralan namin upang magbigay raw ng pagsusulit dahil may ino-offer na scholarship para sa mga interesadong kumuha ng Bachelor of Science in Marine Transportation tapos Marine Engineering sa kolehiyo. BSMT? BSME? Anong magiging trabaho mo nun? Naging tanong ko sa ilan kong kasama. Sinagot naman nila akong, magiging seaman daw.  At dahil tuition fee, boarding house, pagkain pati na ang libro, lahat free kapag makapasa kami sa scholarship nila, pati na ang kasiguraduhan ng trabaho pagkatapos namin ng kolehiyo ang ino-offer kaya walang pagaalinlangang  kumuha kami ng pagsusulit. To make the long story short, nakapasa kami, ginugol ang tatlong taong academic year sa institusyong humubog sa amin at nagbigay ideya sa kung ano talaga ang seaman at sa huli, nabigyan ng trabaho ng kompanyang nagkaloob ng scholarship sa amin. Sa pagsalang namin sa mundo na kilala sa tawag na maritime industry, doon ko lang lubos na naunawaan kung ano at kung sino ba talaga ang seamang  nag-iibayong dagat.

         Seaman. Seamanloloko. Saan ba nagsimula ang salitang iyan? Sino ba ang kauna-unahang seamang nanloko at siguro noong mga panahong iyon ay may naging other woman siya, nadiskubre ng legal wife tapos he was cursed to be called seamanloloko for eternity. Whoever that person was, nobody knows, though it is still a fact that seafarers today are being branded and stereotyped. Ayun, nagamit ko na ang salitang seafarer. Siguro mas sanay kang marinig ang seaman kesa sa seafarer. Sa mga usapan, sa mga biruan, sa pagpapakilala sa mga kaibigan, sa mga nakikitang estudyanteng nakauniporme ng puti at maninipis ang gupit na naglalakad malapit sa mga maritime schools, sa mga pumipila sa Luneta, sa tapat ng National Library, malamang seaman ang salitang papasok sa isip mo. Pwes, ngayon na ang panahon para gamitin mo ang salitang seafarer sa mga usapan. Halimbawa: “Seafarer ang tatay ko. Nagtatrabaho siya sa barko.” Dalawang magkaibigan sa jeep, naguusap, nakakita ng mga kadete along Taft. Ana: “Tess, ano bang course ng mga lalaking yan?” Tess: “Hindi ko alam eh, mag-seseafarer yata.” Bakit seafarer? Dahil yun ang legal term para sa occupation ng mga taong nagbabarko, upang igeneralize at maging collective term para sa mga kapitan, chief engineer, mga opisyal sa barko, ratings, cooks, at iba pang nagtatrabaho sa barko. Seafarer dahil ito ang nakasaad sa mga documents ng mga kilala sa tawag na seaman; ito ang makikita mo sa SIRB o Seafarer’s Identification and Record Book (kilala sa tawag na seaman’s book), sa mga kontrata nila at iba pa. Seafarer dahil hindi limitado at para sa lalaki lang ang pagbabarko; may mga babae ring nagbabarko. Awkward kung tatawagin silang seawoman opposite seaman. Awkward din ang magiging plural ng seaman. Anu yun? Seamen? Hindi magandang pakinggan, kahit na walang red line na lumabas nang i-type ko ang salitang yun. Saka manunullify ang curse kapag seafarer na ginamit ng mga tao. Ang hirap kayang bigkasin ng “seafarerloloko.”

         Naaalala ko pala, may naka-chat akong classmate dati sa high school. Nasa barko ako noon. Nalimutan ko na kung paano nagsimula ang usapan namin pero napunta kami sa pagiging seafarer ko at pagsasabi niya na kapag seaman daw, eh si manloloko. I told her na hindi niya naman kailangang i-generalize dahil marami naman ang  matitinong nagbabarko. May mga kakilala daw siyang manlolokong seaman to support her argument. Pabiro kong sinabi sa kanya na baka may isang taong nanloko sa kanya, kung kaya’t idinidiin nya na manloloko nga ang mga seafarer. Sinabihan nya lang ako na “bato-bato sa langit, tamaan matatamaan.” Hindi ko na ipinagpatuloy pa ang diskusyon. Ayokong magkaroon ng kagalit dahil lang sa pagiging stereotype ng ilang tao.

         Balikan natin ang seamanloloko. Totoo bang ang seaman nanloloko? Ano ba ang grounds to tell na manloloko nga sila (kami)? May nakausap ako dating kaibigan. Sinabi niya sa akin na ang mga seaman daw, “every port, report.” Ibig sabihin,kapag bumababa daw ang mga seaman, nambabae daw sa pwerto. Dahil daw matagal sa laot, malaki ang posibilidad na “maglabas ng sama ng loob” kapag makatuntong ng lupa. Hence, nambabae si seaman, niloko nya ang asawa nya and vice versa. Little did people know, na in reality, hindi ganung kadali ang maghanap ng babae kapag dumaong na sa isang pwerto. May mga bagay na isinasaalang-alang kapag papalapit na ng pwerto. Makakababa ba kami? Gaano ba katagal ang stay namin sa port na iyon? Nasa liblib na lugar ba ang pwerto? Ilang oras ang byahe papunta sa nearest city? May pera ba akong gagamitin pangliwaliw? Ang mangbabae ba ang goal ko kaya ako lumabas ng barko? It is actually the discretion of the seafarer whether he is going to go wild or not once permitted to go ashore by his superiors. May mga taong gustong ma-experience at ma-appreciate ang ganda ng isang lugar, kung kaya’t hindi ibig sabihin nun na lumabas sya upang mambabae.

         Minsan naman, overrating na ang ginagawa ng ilang tao kapag ginagamit nila ang salitang panloloko in connection with seafarers. Dahil daw nanloko sa asawa o sa girlfriend. Dahil daw may kinakasamang iba na nahuli not just once, but twice. Paano naman ang mga single (na tulad ko) na dahil seafarer ako eh manloloko na agad ako? O kung sakali mang pumatol ako sa isang babae habang nasa pwerto ako eh manloloko na ako? Sino na ang niloloko ko nun? I am not actually on making some of the seafarer’s undoing right, nor I am on the side of consenting the fact that it is okay  to have casual encounters with the opposite sex once a seafarer is ashore. Nakakatakot kaya ang mga sexually transmitted diseases at kung mahal mo ang sarili mo at ang future mo, you won’t venture into something that will put yourself at risk.

       Marahil iniisip naman ng iba na  oo, hindi nga bumababa ang ilang seaman ng barko, yung mga babae naman yung umaakyat sa barko nila. Wala pa naman akong nararanasang may umakyat na mga babae sa barko namin. May naririnig lang akong mga usapan na noon daw, mga babae ang umaakyat sa barko bilang commodities sa ibang bansa (lalo na di umano sa Thailand). Magugulat na lang daw ang ilang crew dahil kakausapin sila ng bugaw tungkol sa kung ano ang arrangement pagdating sa mga babae. Hindi ko alam ko kung totoo ba ang mga ito. Ang alam ko lang, sa ngayon, ipinapatupad sa barko ang tinatawag na ISPS Code o International Ships and Port Facilities Security Code upang siguraduhing walang kung sino man ang makakalabas-pasok sa barko ng basta-basta. Mahigpit ang ilang regulations sa security at malamang, it is unlikely to happen na may bigla na lang sasampang grupo ng kababaihan sa barko, alarming the entire crew.

       Hindi ko lubos na maiisip kung bakit nakukuha pang isipin ng ilang tao na panloloko ang ginagawa ng mga seafarer kahit sa ngayon. Sabi sa akin ng isang kaibigan, dahil connected na ang pagiging seaman sa pagiging womanizer, iniisip ng ilan na yun nga talaga ang ginagawa nila. Dahil malaki raw ang kita ng isang seaman at may magagasta para sa layaw, walang pagaalinlangang madali silang kumagat sa temptasyon. Sinabi ko naman sa kanya na hindi lahat ng pagkakataon ay pabor sa isang seafarer upang makapagpasasa sa gusto nya. May mga seafarer na nagtatrabaho sa barko na kailan man ay di nakakadikit ng pwerto. Ang iba naman ay nakasakay sa mga barkong oras lang ang tinatagal sa pwerto at muli na namang magpapalaot. Isa pa, sabi ko sa kanya, karamihan sa mga barko ngayon ay binubuo lang ng ilang tao. Lahat lalaki. Ano yun, sila-sila na lang magtatalo pa? Natawa na lang ang kaibigan ko.

        Nakakalungkot, dahil kahit sa ngayon, may mga tao pa ring tini-take for granted ang mga seafarers. Tinatawag pa rin ng ilan na manloloko. Dahil sa kasalanan lang ng isa, sinama na ang lahat kahit wala namang ginagawa ang iba. Ang isang seafarer ay tulad lang ng normal na land-based OFW sa ibang bansa na nagsusumikap upang buhayin ang pamilya nya sa Pilipinas. Nagtatrabaho siya upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak o kapatid, gawing maginhawa ang pamumuhay ng mga magulang at maiangat ang sarili sa kinagisnang kahirapan. Malayo siya sa pamilya, nakakaranas ng lungkot, nakakaranas ng stress, napapagod, at natatakot lalo na kung mataong mapadaan sa lugar kung saan talamak ang mga pirata, o di kaya’y napagbantaang papauwiin ng kanyang mga superiors. Kailangan niyang makisama at makibagay sa ugali ng mga kasama niyang iba ang lahi, at minsan pa nga, sa kapwa niya Pilipino. Wala siyang magagawa kung mataong napadaan sila sa lugar ng malahiganteng alon o abutan ng bagyo sa laot. Kailangan nyang tanggapin ang katotohanang nasa “laot” (dahil wala sa hukay) ang kalahati ng kanyang katawan. In short, tulad ng ibang buwis-buhay na trabaho, hindi ganun kadali ang pagbabarko. Mapa-laot man o mapa-lupa, sila ay napagkakaitan ng ilang pribilehiyo. Naniniwala ako na they (we) have the right to be noticed by the government at mabigyan ng respect that they deserve.

Ship in a storm 1977 (14)

       Marami ang nag-iisip na kapag seafarer ka, mapera ka. Sabihin na nating kumikita ang isang seafarer ng dolyar at malamang na mas malaki kesa sa ordinaryong nagtatrabaho sa lupa. Pero hindi ibig sabihin noon na ang kinikita ng isang seafarer ay readily available upang tustusan ang layaw nya. Kailangan niyang maglaan para sa pamilya, para sa hinaharap, at para sa mga trainings na kailangan niyang kunin habang nasa lupa siya. Hindi ibig sabihin na dahil marami siyang pera dapat na siyang manlibre ng isang baranggay, magpakalango araw-araw habang nasa lupa at higit sa lahat, manloko ng asawa o girlfriend. Madalas ding mangyari na kapag nakababa na ang isang seafarer ng barko at umuwi na ng Pilipinas ay pinagpipyestahan ng mga kamag-anak upang makahingi di umano ng “katas ng barko.” Minsan sila pa ang nagagalit sa kanya at nagmumukha pa siyang masama dahil di nya napagbibigyan ang gusto ng mga kamag-anak.  Ang buong akala nila, may bukal ng pera si seafarer. Subalit ang totoo, hindi unlimited ang supply ng pera ng isang seafarer. At natitigil iyon kapag bumababa siya ng barko.

     Hindi maiiwasan ang pagiging stereotype ng ilan kapag naging common na ang mga bagay na inuugnay sa isang trabaho. Sa isang seafarer na madalas maugnay sa salitang manloloko, mahirap tanggapin na sa hirap na dinaranas mo ay may mga taong walang pakialam sa kung ano ang mararamdaman mo sa tuwing binibigkas nila iyon, gayong wala silang ideya sa kung ano ang dinaranas mo. Oo, may mga seafarer na minsan nang nagkamali sa mga desisyon nila sa buhay subalit hindi ito ang dahilan para sabihing masama sila. That would be irrational. In a world where people tend to become stereotypical, it is important that a sudden remark (especially those that don’t appeal to the ears) must be avoided, lalo na kung hindi naman ikakatuwa ng makakausap mo. Kung sa biruan lang naman ay masasali ang seamanloloko, ayos lang naman. Pero kung ipapamukha sa iyo na ganun ka nga na wala ka namang ginagawang masama, ibang usapan na iyon. Kung babalikan natin ang tanong na kapag seaman ba, si manloloko na, ano ang sagot mo? Para sa akin, may seaman na maaaring manloloko, pero hindi ibig sabihin noon, lahat manloloko. Depende yan sa tao.

 

 

Photo Credits:

https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjKKWeGl9BbmrzzyyEgAQS_7S5DQYiWaqkQb8-B_zBmWWvwkmQe70VouZxBYWQqqWsVoBkJ60qjShrpETscMIr5G5GEwkZllt_vlggZqfnApBuilK_6FgXBU0Mh0xkJjxTRtmCJVEZCbjw/s400/Keep-Your-Man-From-Cheating-Guy-And-Woman-Holding-Hands.jpg

http://4.bp.blogspot.com/-_R37F9z_VMk/TuTfREP0OVI/AAAAAAAAmkk/kYew1By9f-M/s640/Ship+in+a+storm+1977+%252814%2529.jpg