Keep-Your-Man-From-Cheating-Guy-And-Woman-Holding-Hands

            Nasa elementary pa lang ako noon nang una kong marinig ang kantang  “Seamanloloko” ni Ai Ai dela Alas. Nakakatuwa dahil kahit sa mga karaokehan sa probinsya ko lang naririnig iyon na kinakanta ng mga nag-iinumang magkukumare eh tumatak sa isip ko ang mga linyang, “nang ikaw ay sumakay, labis akong nahirapan, nangulila sa iyo, andun ka sa karagatan.” Sa totoo lang, wala akong kaide-ideya kung ano ang seaman na yan, kung kaya’t sumasabay na rin ako sa biruan naming magkakapatid at magpipinsan sa pagamit ng salitang “seamanloloko” at pagkanta sa awiting ito ni Ai Ai. Ang hindi ko alam, pagse-seaman rin pala ang kukunin ko sa hinaharap.

           Fourth-year high school naman ako noon nang magsimula akong magkaroon ng ideya sa kung ano ba ang seaman. May grupo ng mga taong nakagayak at nakauniporme ang pumunta sa paaralan namin upang magbigay raw ng pagsusulit dahil may ino-offer na scholarship para sa mga interesadong kumuha ng Bachelor of Science in Marine Transportation tapos Marine Engineering sa kolehiyo. BSMT? BSME? Anong magiging trabaho mo nun? Naging tanong ko sa ilan kong kasama. Sinagot naman nila akong, magiging seaman daw.  At dahil tuition fee, boarding house, pagkain pati na ang libro, lahat free kapag makapasa kami sa scholarship nila, pati na ang kasiguraduhan ng trabaho pagkatapos namin ng kolehiyo ang ino-offer kaya walang pagaalinlangang  kumuha kami ng pagsusulit. To make the long story short, nakapasa kami, ginugol ang tatlong taong academic year sa institusyong humubog sa amin at nagbigay ideya sa kung ano talaga ang seaman at sa huli, nabigyan ng trabaho ng kompanyang nagkaloob ng scholarship sa amin. Sa pagsalang namin sa mundo na kilala sa tawag na maritime industry, doon ko lang lubos na naunawaan kung ano at kung sino ba talaga ang seamang  nag-iibayong dagat.