“Sir Jay”
Whether we admit it or not, we meet people at some point of our lives who either inspire or irritate us on a value raised to the nth power.
Halos dalawang taon na namin siyang kasama. Dalawang taong puno ng nakakatawa, nakakapagod at nakakainis na mga karanasan. Tawagin nalang natin siya sa pangalang “Sir Jay.” Siya ang nagsilbing gabay sa amin sa mga panahong hindi naman talaga namin kailangan ng tulong at payo. Siya ang bigla nalang susulpot at sasabat sa tuwing may kwentuhan ang umpukan ng grupo namin. Siya ang kumakalabog ng pinto namin sa umagang kailangan naming mag-jogging at mag-ehersisyo. Siya ang taong bigla nalang tatawa sa mga birong binibitawan niyang hindi naman nakakatawa. At higit sa lahat, siya ang bida sa kaniyang akala subalit ang pinakanakakainis na kontrabida ng buhay namin.
Tandang-tanda ko pa ang unang araw na nakita ko siya. Ang di-kataasang lalaki, mga bigoteng nahahawig sa balbas ng daga, ang walang kamatayang relos, at ang di ko malilimutang palatandaan niya: ang binhi ni Karuma sa kanyang kaliwang braso na hanggang ngayon ay di pa napipisa. Naaalala ko pa kung paano siya pinakilala ng isa sa mga kawani ng paaralan. Tumayo lang siya… ngumiti ng bahagya at pinatanggal ang suot kong sombrero, na naroon pa pala sa kalbong ulo ko.
Si Sir Jay ang naging tagapagbantay namin simula nang kami ay pumasok sa institusyong nagpatuyo ng aming utak sa loob ng dalawang taon. Si Sir Jay ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkaroon kami ng mga di malilimutang mga karanasan sa pananatili namin sa loob ng dorm. Siya ang nagsilbing center of attraction at ang pinakagwapong nilalang, ang taong una mong makikita tuwing gigising ka sa madaling-araw at muli mong makikita bago matulog sa gabi. Siya ang tipo ng taong madaling pakisamahan (basta magpakabait ka lang), at yung tipo na madaling magalit kung di mo ina-aplay sa pangaraw-araw na buhay mo dito sa loob ang word na logic, as in L-O-G-I-C. Siya rin yung taong masyadong kakaiba ang aura, na imbes masiyahan ka dahil nariyan siya, maiirita ka. At hihilingin mo nalang sa mga santo at santa, mga anito at anita na maglaho nalang siyang bigla na parang bula. Yung taong KJ for short, dahil sa kalagitnaan ng isang wet dream gigisingin ka…
Isa sa mga pagpapakabayaning ginawa ko para sa kanya ay ang paglaba ng sangkatutak na marumi niyang damit at pantalon. Tinatanong ko na lang ang aking sarili kung part of the training pa ba yun. Dinedemonyo yata ako nang mga panahong iyon kaya binasa ko lang saka binudburan ng konting surf kalamansi oxybubbles saka sinampay. Ewan ko ba at di man lamang niya napansin…hindi siguro ngati.. hehehe. Minsan naman kung anu-ano pa ang pinapagawa tulad ng pagpapahilot (eeew!), magpabunot ng uban.. and so on and so forth.
Marami rin siyang mga kataga at lines na tumatak sa kukote namin, gaya na lamang ng: ‘tama ako, ikaw mali,’ ‘mapalusot ka pa!’, ‘laen amu?’, ‘kitaa.’…marami pa akong gustong isulat pero siguradong hindi dito kakasya. Ang mga salitang iyon ang naging script namin sa aming daily routine; sa paliligo, sa pagkain at sa pagtulog.
Kawawa sa amin si Sir Jay pagdating sa okrayan behind closed doors. Mula sa sapatos niya na parang boots ng duwende at jacket na masyadong malaki para sa kanya, hanggang sa mga corny jokes at dakilang mga salita. Halata sa malulutong naming mga halakhak ang pagpansin sa mga kakaibang meron siya. Minsan naman, kung wala talagang magawa, kwarto niya ang pinagtitripan namin. Nilalagyan ng kung anu-anong signs tulad ng “out of order” at “legend of the mouse” na tinatanggal naman namin agad sa takot na baka mahuli. May isang pagkakataon nga na dahil siya ang nagbubukas ng pinto namin tuwing umaga, naisip ng kasama ko na lagyan ng pgkadami-daming toothpaste ang doorknob. Ayun, pag-gising namin, halos three-fourths na yata nung toothpaste ang nawala at muntik na masimot ng kamay ni Sir Jay.
Kahit na ano pa ang gawin naming kalokohan, si Sir Jay pa rin ang laging nananalo. Nasa kanya pa rin ang huling halakhak, ika nga. Kawawa kami pagdating sa trip niya: 100 push-ups, 100 squat-thrusts, 100 squat-jump, 200 jumping jacks…plus 10,20,30,40,50, pa yan pag-improper ang pagka-execute. Minsan naman pag di maganda ang pakiramdam o mood niya, tusok-ulo, snake-crawl at kung anu-anu pang kakatwang posisyon which is beyond human imagination ang pinapagawa sa amin(kasi nga di yata siya human).
Sa kabila ng lahat, love pa rin namin si Sir Jay (yucks!). namimiss pa rin namin siya, minsan. Ang mga di malilimutang karanasan kasama siya. Irrational man minsan ang statements at parusa niya, alam ko na pilit pa rin niyang ipinapaunawa sa amin ang mga bagay na dapat naming isaisip sa kasalukuyan na magagamit namin sa hinaharap. Siya pa rin ang pinakamataas na tao sa dorm (4’6’’ siya). Siya pa rin ang taong nag-impart sa amin ng kahalagahan ng pagiging responsable, pagiging masinop at pagiging tunay na kadete. Mga virtues kuno sa life, etc.etc. Siya pa rin ang nag-iisang sentro ng usapan sa loob ng dorm, ang dakilang tagapagbantay, si Sir Jay.
So you had a love/hate relationship with the guy. :P
ReplyDeleteIt would be hate.haha!. pero tawa naman ako sa comment mo. nu ba yan.
ReplyDelete