Apat na buwan na simula ng umalis ka sa bahay.
Apat na buwan na naming sinusubukang tanggapin ang naging desisyon mo.
Apat na buwan na ngunit hindi pa rin naghihilom ang sugat na iniwan mo.
Noong una kong natanggap ang balita ng pag-alis mo nang walang paalam, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Naghahalo ang galit, ang lungkot, ang awa at panghihinayang. Hindi ko lubos maisip na gagawin mo iyon, gayong sinabi mo pa noon sa akin na maayos na ang lahat at huwag na kaming mag-alala dahil gusto mong ipagpatuloy ang iyong pag-aaral sa kolehiyo. Buo ang tiwala ko na tapos na ang unos na dumating sa atin nitong nakalipas na mga buwan. Kumpiyansa na ako na mas pagtutuunan mo na ng pansin ang iyong pag-aaral, at iiwasan mo nang maulit pa ang mga nangyari na halos humantong pa sa barangayan.
Ngunit mali pala ako. Masyado akong naging positibo sa lahat ng bagay. Masyado akong naging mabait na kuya. Inisip ko na hindi na mauulit ang nangyari na. Mas pinili kong manatili ka sa atin gayong maaari ka rin naman naming iiwas sa mga bagay na bumabagabag sayo. Iniisip ko lang din naman noon na nasa sayo pa rin ang desisyon kung ano ang tatahakin mo, at wala kaming magagawa kahit pa ilayo ka namin. Dalawang buwan lang ang lumipas simula ng pangalawang semester at pinili mo na ngang tuluyang lisanin kami, magsarili.
Araw ng pasko noon. Tumawag ako sa atin upang batiin kayo. Si Mama ang nasa kabilang linya. Alam kong may hindi magandang balita simula nang marinig ko ang boses niy. Nang magsimula ang Christmas vacation, umalis ka aniya sa boarding house dala ang mga gamit mo na sa buong akala ng ate mo ay iuuwi mo sa atin. Ngunit anong ginawa mo? Hinihintay ka noon sa bahay ngunit di ka dumating. Dumeretso ka na pala sa bahay ng boypren mo.
Napaluha ako. Umiyak, humagulhol. Magkakahalo na ang nararamdaman ko, ngunit ang higit na nagpabigat ng loob ko ay ang pag-iyak ni Mama habang kinukwento niya sa akin ang lahat. Ramdam ko ang sakit na sinisikap niyang itago sa akin. Ramdam ko na nahihirapan siyang tanggapin ang nangyari, at wala akong magawa upang ibsan iyon. Sinisikap ko ring pigilin ang pag-iyak ko dahil alam kong dudurog lang din iyon sa puso ni Mama, ngunit hindi ko magawa. Mabuti na lang at naroon si tita, kinuha niya ang telepono kay Mama at siya ang nakipag-usap sa akin. Doon lang ako muling nahimasmasan.
Wala na kaming magagawa dahil iyon na ang naging desisyon mo, sabi ni tita. Tama nga naman, dahil igapos ka man namin ngunit kung patuloy ka pa ring magpupumiglas, kakawala ka at mas lalayo lang sa amin. Iniisip ko noon na darating din ang araw na mapapagtanto mo kung ano ang nagawa mo. Kung ano ang naidulot ng naging desisyon mo.
Sa totoo lang, marami akong katanungan. Maraming bakit, maraming ano. Tinatanong ko ang sarili ko kung nagkulang ba kami ng pagmamahal at naghahanap ka ng pagmamahal mula sa ibang tao, o kung kulang ba kami sa pangaral at mas pinili mong itapon ang pagpapahalaga namin sayo. Bakit mo iyon nagawa gayong wala naman akong nakikitang dahilan upang iwan mo kami, sabihin sa amin na itakwil ka namin. Malayong-malayo sa nakababata kong kapatid na nasubaybayan ko ang paglaki at pagdadalaga, malayong-malayo sa Rheang kilala kong iniisip lagi ang kapakanan ng pamilya.
Naaalala mo ba ang mga panahong umiiyak ka at sinisikap naming gawin ang lahat upang patahanin ka dahil ikaw ba ang bunso namin noon? Naaalala mo ba ang panonood natin noon ng betamax at gabi na tayong umuwi ng bundok dahil malayo pa ang inuuwian natin? Naalala mo pa ba ang mga panahong masayang-masaya tayong lahat sa pamilya, dahil kahit salat sa mga materyal na bagay, buo at magkakasama pa rin tayo? Naalala mo ba ang pagtanong mo sa akin noon kung bakit masyadong makasarili ang ate mo dahil pinili niyang mag-asawa ng maaga?
Hindi ko sinasabing perpekto ang pamilya natin, subalit kahit papaano, nalalampasan natin ang mga problemang dumarating sa atin. Lumaki naman tayo sa pangaral at pagsisikap ng mga magulang natin na itaguyod ang pag-aaral natin, kaya hindi ko lubos maisip na gagawa ka ng bagay na ikakasama ng loob namin.
Nakita mo na kung ano ang naranasan ng ate mo kaya iniisip ko na hindi ka na gagaya sa kaniya. Nakapagtrabaho ako at kahit papaano, nakagawa ako ng paraan upang tustusan kayo sa kolehiyo. Mayroon nang oportunidad, at iniisip ko kukunin mo iyon, magsisikap ka upang hindi na natin maranasan pa ang paghihirap na dinanas natin noong mga bata pa tayo. Iniisip ko na aabutin mo ang mga pangarap na sinasabi mo sa akin noon, at ako bilang kuya mo, handang magsakripisyo upang maabot mo iyon.
Nakakalungkot dahil parang binura mo ang lahat ng iyon sa isang iglap nang sumama ka sa taong kamakailan mo lang nakilala. Hindi ko mailarawan ang nararamdaman ko dahil sa ginawa mo, dahil parang gumuho ang mga pangarap ko para sayo at ang mga pangarap natin para sa pamilya. Masakit, oo, ngunit higit pa palang mahirap ang pagtanggap sa katotohanang dumating na sa puntong namili ka, at hindi kami ang pinili mo.
Sa ngayon, sa tuwing tumatawag ako sa atin, lagi ko pa ring tinatanong si Mama kung kamusta ka na. Masama pa rin ang loob ko ngunit naroon pa rin ang isang bahaging naaawa sayo. Hindi ko iyon maiiwasan; magmatigas man ako dahil sa nagawa mo, kapatid ka pa rin namin, baliktarin man ang mundo. Sana sa mga panahong ito naiisip mo rin kung ano ang naging epekto ng mga desisyon mo hindi lang sa amin kundi sa haharapin mong bukas.
Sana sa mga panahong ito mapagtanto mo ang mga bagay na higit na mahalaga, at ang mga bagay na nasa palad mo na ngunit binitiwan mo. Matalino ka, alam ko, ngunit sana, magbigay ng aral sa iyo ang mga pangyayari. Hindi ko maipapangako na ako pa rin ang makikita mong mabait na kuya sakaling muling magkaharap tayo. Alam kong kahit anong oras handa kang tanggapin nila Mama, ngunit kilala mo ako. Kilala mo ang kuya mo.
Handa akong magpatawad ngunit dahil sa sugat na naidulot mo, hindi magiging madali iyon. Kaya kong magpatawad ngunit hindi sa ngayon. Hindi sa ngayon.