Minsan me mga taong pinapaalalahanan tayo ng pagkahaba-haba. Madalas, mga magulang natin, kapatid o kaibigan. This time, isang dating schoolmate sa hayskul ang nagPM sa akin dahil may sasabihin daw siya. Nakakatuwa, dahil hindi ko inaasahan na ganito kahaba ang sasabihin niya. Matapos kong mabasa, naisip ko na lang na blessed at lucky ako dahil may mga taong  handang gumugol ng kahit konting panahon para magbigay ng advice sa buhay at magpaalala. Humingi naman ako ng permiso na i-post ito sa blog. At sana, tulad ko, ay may matutunan din ang makakabasa. 

Hi Froi,

Pasensya na at gumawa na naman ng liham ang Ate Nina mo. Gusto ko lang i-share sayo na ito ang mga natutunan ko sa buhay. Sa tingin ko kasi, may matututunan ka pagshinare ko sayo.

Alam mo Froi, hindi ako Finance graduate, galing lang ako sa Computer & Business School at mahilig lang ako umattend ng Wealth Seminar. At mahilig ako magbasa at magresearch (isama mo na rin ang mga ‘nagawa’ kong experiment) tungkol sa kung paano ang tamang pag-gamit ng pera.

Ayaw ko na kasi maging mahirap. Pero syempre, kanya-kanyang definition tayo ng word na ‘mahirap’ at ‘mayaman’. Hindi ko naman hinahangad tumira sa Palasyo, makarating ng langit at manibago (may ganung factor? Ang lupet! Hahaha). Basta ayaw ko lang magutom.

Ito yung mga natutunan ko Froi at sana magkaroon ka ng idea.

1) Asset & Liability

Bago ka bumili ng kahit ano, isipin mo muna kung Asset siya (magpapasok sa iyo ng pera) or Liability.

Halimbawa:

Bahay: Hindi porke marami kang bahay at lupain mabuti na yun. Madalas nga lumulubog ka pa sa gastusin para i-maintain ang bahay mo.

Asset siya kung dun ka nakatira. Liability kung di mo naman siya tinitirhan. Isipin mo na lang kung ilang beses mo kelangang irepair ang isang bahay, bayad mo sa tubig, kuryente tapos di mo naman ginagamit.

Kung marami ka namang bahay pa-rent mo na lang yung iba para pasok pa rin ang pera. Yun din ang reason kung bakit may mga tao na bumibili ng condo pero di naman sila doon nakatira. At least papasok ang pera hindi palabas.

Syempre yung lupain mas maganda kung napagtatamnan mo siya or nagagamit, basta wag mong hahayaan na nakatiwangwang lang.

Kotse: Ganun din, kung di mo ginagamit liability siya. Ganun din sa cellphones. Kung di mo naman kelangan lahat ng features ba't mo pa bibilhin? Kung kelangan mo lang ng phone, internet, calls and texts pwede na yung mga phone na average lang. Tandaan mo na ang binibili mo ay yung features hindi yung phone. Yung kelangan mo lang. Kung super ganda ng specs tapos mura wag mo bilhin. Pag di mo kelangan, wag mong bilhin. Yun yun :).

Pa-rent mo car mo, gawin mong taxi, pero iba magdadrive. Nakapagbigay ka na ng trabaho para sa iba kumikita ka pa. At higit sa lahat hindi nakatengga lang sa garahe ang kotse mo. Isipin mo na lang gagastos ka ng 100k para sa sasakyan tapos walang balik?

Lagi mong iisipin na pag may ginasta ka, dapat may bumalik. Everything is investment. Naku wrong grammar ata ako hahaha.

Last example para dito:

Time: Anong ginagawa mo sa spare time mo? Kumikita ka ba? Nagpapahinga ka ba? Baka naman puro ka lang work? O kaya naman kung saan saan mo lang tinatapon ang oras mo.

Ayon sa mga nakikita ko sa posts mo sa Facebook (kita mo Froi na-analyze ko agad ang ginagawa mo sa time mo, hindi naman ako stalker hahaha), mukhang tama naman ang ginagawa mo sa oras mo:
  
   Travel – when you travel you meet people, new places, you learn. Yung experience, mga na-meet mong tao, mga natutunan mo, hindi napapalitan ng pera yun.

  Education – education is investment. Tagal kaya nating nag-aral ilang taon yun no. Kahit anong klaseng kurso pa yan, okay yan lalo na kung maa-apply mo sa totoong buhay.
  
  Exercise – syempre maiiwasan mo ang pagkakasakit pag healthy ka di ba? Tipid din yun menos gastos.

Kaya sa susunod na makikipagkita ka with your friends at may na-late, sabihin mo ganito: I invested 10minutes of my life waiting for you. Ang dami kong pwede gawin sa 10 minutes na yun, ang daming nasayang sa akin dahil sa pag-aantay sa inyo. I sacrificed 10 minutes of my life makasama lang kayo, pinagpalit ko ang 10 minutes na pwede ako mag-exercise, mag-aral, magtravel at kumita para lang sa inyo. Sana naiisip niyo rin ang mga sacrifices ko para sa friendship na ‘to.

Ang sungit no? Haha. Hindi naman. Ang sinasabi ko lang mahalaga din ang time. Ang pera napapalitan yan, kikitain mo rin yan, pero ang oras mas mahalaga yan. Hindi napapalitan ang nawalang oras. Walang ‘refund’ ‘ika nga. Kaya isipin mong mabuti how you should manage your time, who you spend your time with, at what to do with your time.

2) Investment

Lahat ng sinabi ko sa taas investment yun. Pero magbibigay ako sa iyo ng mga example. Ito ang mga gumugulo sa isip ko (magulo kasi isip ko kaya yun na lang ang term).

Dito sa amin merong dalawang bagong tayong negosyo na nangangailangan ng investors. Pupuntahan ko pa lang para malaman ang terms and conditions nila. Kaya di kita mabibigyan masyado ng info tungkol dun. Pero legitimate siya.

Una yung Ospital. May bagong tayong ospital kasi dito, ngayon open sila sa mga mag-iinvest ganun.
Halimbawa, magbibigay ka sa kanila ng 10k tapos every year may makukuha ka. 

Pero lagi mong iisipin na investment yun, negosyo. Hindi lahat ng oras kumikita ang negosyo. Pwedeng yung 10k mo by the end of the year maging 9k (nalugi ng 1k) or maging 11k (kumita ka ng 1k). Pero sa isang banda naman kasi, malugi or hindi service yun. Isipin mo ilan ang natutulungan ng ospital di ba?

Pangalawa yung Gas Station. Kung iisipin mo, walang luge sa gas station di ba? Pero syempre dahil gas station yun, malaki ang ilalabas mong pera. Wala pa kong 100k hahaha.

Kung titingnan mo, parang ang mura naman ng ilalabas na pera para sa Ospital at Gas Station na sinasabi ko. Kasi bagong tayo palang sila. Hindi pa sila sikat.

Tingnan mo baka may makita kang ganyan sa probinsya. Tapos magtanong-tanong ka. Tingan mo yung mga papers. Wag kang pipirma agad. Basahin mo.

Kung wala kang tiwala sa sarili mo at utu-uto ka (gaya ko), isipin mo na lang Froi na nauna akong naging utu-uto kesa sayo. At may matututunan ka sa pakikinig sa mga nakatatanda sayo. Dahil ang mga naranasan mo ay maaaring naranasan na nila. Well sa totoo lang yung iba mong karanasan sa blog di ko pa naranasan. Iba yung version ko eh hahaha.

Tandaan mo to, i-apply mo sa buhay mo:

If it is too good to be true, then it is not true.

Pag may nag-alok sayo ng negosyo at sinabing walang risk hindi totoo yun. Pag sinabing dodoble ang pera mo sa maikling panahon, hindi totoo yun.

Wag kang mag-iinvest o papayag sa mga bagay na ‘di mo masyado maintindihan

Pag merong part na malabo atras ka kaagad. Pag di mo maintindihan, atras ka kaagad. Mahirap pumasok sa isang bagay na hindi ka sigurado lalo na kung involved ang pera. Naku guilty ako dito. 

Ito naman ang katangahan ko hahaha.

3) Savings

Saan ka nagse-save? Malamang may savings ka na kasi nag-uumpisa ka na mag-invest. Ito ang mga natutunan ko sa mama ko at sa Wealth Seminars na inaattendan ko. Example lang yung mga figures:

Pay Yourself First

Payday, kumita ka ng 10k (net). Bawas mo agad ang 1k (depende sayo kung magkano, mahina ako sa Math kaya ganito na lang). Ilagay mo agad ang 1k sa bank.

Yung 1k na nasa bank ito yung hindi mo gagalawin. Hindi mo gagalawin. I repeat Hindi mo gagalawin. Gagalawin mo lang ‘to pag emergency talaga. Hindi emergency yung pagbili ng cellphone ha, emergency yung pag napilay ka (oo nangyari ito sa akin nung January bad trip, bawas kayamanan), pag may nagkasakit.

9k na lang natitira sayo. Bayaran mo yung mga dapat mong bayaran. Renta, budget sa pamilya, baon ng mga kapatid, etc. Iba ang kaso pag may utang ka, ibang usapan yun.

Kung ilang ang matitira yun ang budget mo until the next payday. Mas madali pag ganito, kesa yung kung anong matitira sa sahod mo yun ang ise-save mo.

Yung iba, iba naman ang technique. Yung iba, iba pa yung ipon nila for retirement, iba pa para sa gala, maraming bank account, etc.

Pero ang mahalaga is Pay Yourself First, at wag na wag mong gagalawin yung nasa bank ha? Emergency Fund yun. Kung need mo ng bagong cellphone, pag ipunan mo pero wag mong ibabawas dun sa pera sa banko. Pwede kang magkaroon ng dalawang emergency fund, isa sa bank at yung nasa bahay lang – ito yung pang gala mo pangbili ng sapatos, damit, etc.

‘Wag mong isiping selfish ka kung inuuna mong bayaran ang sarili mo. Isipin mo na lang, pag nagkasakit ka, hindi mo na kailangan pang bawasan ang budget mo para sa pamilya mo. Alangan namang humingi ka pa sa pamilya mo pag may kailangan ka. Imbes na ikaw ang magbigay ikaw pa hihingi?

4) Budget for Health/Emergencies

Opinyon ko lang to. Para sa akin, ‘wag ka munang mag-iinvest kung wala ka namang fund para sa emergencies.

Halimbawa bumili ka ng bahay at lupa, kikita ba agad yun? Aabutin pa ng ilang buwan yun bago mo mabawi yung ginasta mong pera pambili. Or worse, maaari ring hindi yun kumita kung nakatiwangwang lang. Sabihin na nating pinarentahan mo yung house or lupa, one month pa mag-uumpisa magbayad yung client mo (well sabagay nag-down naman sila pero di sapat yun). Paano kung may nangyaring di maganda before mag 1 month? Alangan namang gipitin mo ang client mo para magbayad agad. Paano kung malaking pera ang kelangan mo? Paano na? Wala kang pang emergency.

Mag-set ka ng amount para sa Emergency Fund mo. Para pag may nagkasakit may mahuhugot ka. Tapos pag meron na e di invest na :).

5) Insurance

Opinyon lang din ito. Hindi lahat ng tao ay kailangan ng additional na insurance. Life Insurance ang tinutukoy ko rito. Yung tipong pag natigok yung may-ari ng insurance plan, may matatanggap na pera ang kaanak. Paano kung mag-isa ka lang sa buhay?

Health Insurance pwede pa, lalo na kung sagot ng company. Mas mura yun at mas maraming benefits. Malamang may health insurance ka, basahin mo yung mga benefits mo para mamaximize mo.

Tsaka isa pa, may SSS, GSIS, PhilHealth at Pag-Ibig, Insurance din yun :). Maliit nga lang. What you need to do is alamin ang lahat ng benefits na pwede mo makuha sa SSS, GSIS, Philhealth at Pag-ibig. I-maximize mo.

‘Wag mo mamaliitin yung mga yun. Oo maliit ang pension ng SSS. Maliit ang makukuha mo sa PhilHealth. Pero maliit lang din naman ang bawas sa sahod mo kung maglalagak ka ng money dun.

OFW kasi ang parents ko. Aircraft Mechanic kaya ang papa ko sa Middle East dati. Laki ng kita nun. Pero hinulugan pa rin siya ng mama ko ng SSS. Laking tulong din naman, pandagdag din yun.

Baka kasi porke feeling mo may mas magagandang insurance, kakalimutan mo na ang SSS, PhilHealth, Pag-Ibig. May silbi rin yan. Kumuha ka pa rin. At isa pa, kumukuha rin yang mga government agencies na yan sa tax natin. Karapatan lang nating pakinabangan yan.

6) Karagdagang Kasabihan:

Do not trust other people on your money

Pera mo yan, ikaw dapat ang maghandle niyan.

Don’t tell anyone about your financial status

Wag mong irereveal kung magkano ang ‘financial worth‘ mo. ‘Wag mong sasabihin sa kanila na may money ka sa bank at kung magkano. Kung may magrequest man or may pangyayaring kinailangan na maglagay ka ng figure kung ilan ang pera mo ‘wag mo ilagay lahat, less than 50% ilagay mo. Alam mo naman, maraming mapagsamantala sa paligid. Lalo na kung bata ka pa at kumikita ka na. Alam kasi nila na wala pang experience ang mga kabataan, madali pa mauto kumbaga.

Wag mo iiinvest lahat

Dapat laging may matira sa ‘yo. ‘Wag mong itotodo. Kung mag-iinvest ka, wag naman yung tipong gugutumin mo na nag sarili mo sa pagtitipid. Wag mong ideprive ang sarili mo. Pero wag mo rin namang spoil ang sarili mo.

Kung di mo kailangan, wag mo bilhin

May mas mahalaga ka pang paggagamitan ng pera mo.

Give

Syempre ‘wag din madamot, lalayo ang grasya kung ganyan. Bigay-bigay din pag may time. Lalo na sa mga nangangailangan. Matutuwa si God kung mapagmahal tayo sa kapwa.

Natapos din ang litanya ng Ate Nina mo Froi. Yan na po lahat ang natutunan ko. Well wala pa pala dyan yung tungkol sa Multi-Level Marketing, Pyramiding at Networking. Haha. Pero nasesearch yan, paano mo malalaman kung Multi-Level Marketing ba talaga o Networking o Pyramiding ang nasa harap mo. Kaso masyado nang mahaba kung ikukwento ko pa yan sayo. Ang mahalaga na-share ko sayo yung mahahalagang bagay regarding sa Pera :).

Sana’y may natutunan ka Froi.

Nina